MANILA, Philippines – Lumagda ang Pilipinas at Estados Unidos sa isang limang taong Health Strategic Objective Agreement na maglalaan ng hanggang ₱42 bilyon upang palakasin ang pagtukoy, paggamot, at pag-iwas sa HIV at tuberculosis (TB), at mapabuti ang health security ng bansa.
Ayon sa U.S. Embassy sa Pilipinas, ang kasunduan ay nilagdaan noong Hulyo 22 kasama ang Department of Health (DOH).
Sa ilalim ng kasunduan, maglalaan ang Pilipinas ng mahigit ₱30 bilyon sa loob ng limang taon para palakasin ang sistemang pangkalusugan, habang balak naman ng U.S. na magbigay ng higit ₱11.8 bilyon, depende sa pag-apruba ng U.S. Congress.
“The Agreement will save American and Filipino lives, increase the resiliency of the Philippine health system through coordinated co-funding, and promote innovations to slow the spread of infectious diseases, like TB and HIV, that threaten both the United States and the Philippines,” ayon sa embahada.
“The Agreement focuses on strengthening disease surveillance, detection, and outbreak response; integrating health service delivery across disease programs; and strengthening domestic capacity to finance and manage the health sector,” dagdag pa nito.
Layunin ng kasunduan na pigilan ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit, palakasin ang disease surveillance at outbreak response, at pagbutihin ang pagpopondo at pamamahala sa sektor ng kalusugan.
Ayon sa U.S. Embassy, nakabatay ang kasunduang ito sa mahigit 60 taon ng kooperasyon sa kalusugan sa pagitan ng dalawang bansa at nagpapakita ng kanilang magkasamang layunin na palakasin ang kakayahan ng Pilipinas laban sa mga nakahahawang sakit at mga susunod pang banta sa kalusugan ng publiko.
Nilagdaan ang kasunduan ni U.S. Ambassador Lee Lipton kasabay ng pagbisita sa Pilipinas ni U.S. Secretary of State Marco Rubio. RNT/MDS