Home NATIONWIDE Pampublikong konsultasyon sa mga panukalang batas, inilunsad ng Kamara

Pampublikong konsultasyon sa mga panukalang batas, inilunsad ng Kamara

2
0

MANILA, Philippines – Bilang katuparan ng kanyang pangako na gawing mas bukas, mapagpahalaga, at may pananagutan ang House of Representatives, inilunsad ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III nitong Biyernes ang LegisHear, isang nationwide public consultation initiative na magdadala ng Kongreso nang direkta sa mga komunidad sa buong bansa upang matiyak na naririnig ang boses ng ordinaryong Pilipino sa pagbalangkas ng mga batas.

Ginanap sa Isabela State University sa Echague, Isabela ang unang leg ng nationwide consultation, kung saan nakilahok ang mga magsasaka, mangingisda, guro, estudyante, opisyal ng lokal na pamahalaan, civil society organizations, sektor ng negosyo, at 19 na ahensya ng pambansang gobyerno.

Sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng LegisHear sinabi ni Dy na ang layunin ng LegisHear ay makinig sa mga mamamayan.

Ayon kay Dy, ipinatutupad ng LegisHear ang mensaheng inihatid niya noong pagbubukas ng Second Regular Session ng 20th Congress, na dapat mas magsikap, makinig, at maging mapanagot ang House sa mga mamamayan.

“Ang layunin nito ay makinig sa ating mga mamamayan, lalong-lalo na tungkol sa pinakamahahalagang programa at mga magiging batas, upang sagutin ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan,” ani Dy.

Sinabi ni Speaker Dy  na ang ideya ng programa ay hango sa naging karanasan ng Kamara  habang tinatalakay ang Anti-Political Dynasty Act, kung saan dinala rin nila ang usapan sa Cavite, Cebu, at Cagayan de Oro bukod sa Kongreso.

“Nakita po namin na napakapositibo ng pagtanggap ng ating mga mamamayan sa pag-uusap tungkol sa ganitong klaseng batas na makaaapekto sa ating bansang Pilipinas,” ani Dy.

“Kaya po nakita namin na kailangan nating gawin ito upang lalo nating malaman kung ano ang mga pangunahing hakbang at mga panukalang batas na kailangan nating isulong” dagdag nito.

Sa ilalim ng programang LegisHear, maglalakbay ang mga mambabatas sa iba’t ibang rehiyon upang direktang makipag-ugnayan sa ibat ibang sektor.

AGRIKULTURA, SENTRO NG USAPAN SA ISABELA

Bilang isa sa mga pangunahing tagapagtustos ng bigas at mais ng bansa, naging sentro ng talakayan sa Isabela ang mga isyu sa agrikultura, partikular ang iminumungkahing Kalinga Bill at ang patuloy na pagrepaso sa Rice Tariffication Law.

Kinilala ni Dy,  ang mga hinaing ng mga magsasaka hinggil sa presyo ng produkto, kita, at suporta ng gobyerno, at binigyang-diin na nananatiling prayoridad ng Kamara ang sektor ng agrikultura.

“Ang atin pong pinapangarap ay magandang presyo, maganda ang kita, at magandang suporta ng ating pamahalaan para lalo pang umunlad ang agrikultura, hindi lamang ng ating lalawigan ng Isabela, kundi ng buong bansang Pilipinas,” ani Dy.

Bukod sa agrikultura, tinalakay din sa mga konsultasyon ang mga panukalang Anti-Fake News at Anti-Disinformation bills, na sinabi ni Dy na mahalaga upang maprotektahan lalo na ang kabataan sa gitna ng dumaraming maling impormasyon online.

“It is becoming difficult to distinguish what is true from what is not. That is why we want to protect our youth and our people from misleading information,” ani Dy.

Bukod sa legislative consultations, nagsagawa din ng one stop shop kung saan ang.mga  ahensya ay nagdala ng frontline services  kabilang ang Department of Agriculture, Department of Health, Department of Labor and Employment, Department of Social Welfare and Development, Bureau of Internal Revenue, Commission on Elections, Land Transportation Office, Philippine National Police, Philippine Statistics Authority, Social Security System, at iba pa.

Ayon naman  House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, na dumalo din sa kunsultasyon sa Isabela na bahagi ang LegisHear ng mas malaking pagbabago sa pamamalakad ng Kongreso  mula sa reactive tungo sa  tungo sa proactive na pamamaraan.

“LegisHear reflects Speaker Bojie Dy’s vision of a Bagong Kongreso, one that does not wait for the people to come to Congress, but brings Congress closer to the people,” ani Garafil.

Nagpahayag ng tiwala si Dy na ang mga nakita at nadinig na  obserbasyon mula sa mga konsultasyon ay magbubunga ng makabuluhang rekomendasyon para sa Kongreso.

Nagpasalamat ang Speaker sa mga dumalo sa unang leg ng LegisHear, na sinabi niyang magsisilbing modelo para sa mga susunod pang konsultasyon na isasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Target ng Kamara na dalhin ang susunud na Legishear sa Butuan para sa Mindanao at sa Dumaguete para naman sa Visayas. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here