Home NATIONWIDE PHAPI handa sa pagdagsa ng mga pasyenteng sapul ng heat-related illnesses

PHAPI handa sa pagdagsa ng mga pasyenteng sapul ng heat-related illnesses

MANILA, Philippines- Sinabi ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) na dumaragsa ang mga pasyenteng nakararanas ng heat-related illnesses kasabay ng heat index o sobrang tindi ng init ng panahon sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Gayunman, sinabi ni PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano na bagama’t maraming nagpapakonsulta, marami rin ang hindi na kailangang ma-ospital.

Ayon kay Grano, makalipas ng ilang oras sa emergency room, matapos guminhawa ay umuuwi na rin ang mga pasyente. Ibig sabihin lamang aniya nito ay hindi grabe ang kanilang kondisyon.

Base sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), kabuuang 34 kaso ng health-related illnesses ang naitala sa Central Visayas, Ilocos Region at Soccsksargen mula Enero 1 hanggang Abril 18, 2024.

Sa bilang na ito, anim ang nasawi ngunit sinabi ng DOH na ang dahilan ng kanilang pagkamatay ay patuloy na bineberipika.

Sinabi ni de Grano na pinapayuhan ang kanilang member hospitals na maghanda para sa pagdagsa ng pasyente dahil ang panahon ay lalong umiinit, na dahilan din kaya sinususpinde ang face-to-face classes sa mga paaralan at pasok sa opisina.

Nagbabala rin ang DOH sa publiko laban sa heat-illnesses na mas lumalaganap sa matinding temperatura, tulad ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.

Payo ng asosasyon, uminom ng maraming tubig at manatili sa malamig o malilim na lugar.

Limitahan din ang outdoor activities sa pagitan ng alas-10 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon, gumamit ng proteksyon laban sa sunburn tulad ng sumbrero, payong, at sunblock at magsuot ng maluwag o komportableng damit. Jocelyn Tabangcura-Domenden