Home NATIONWIDE Quiboloy nasa Pinas lang – DOJ

Quiboloy nasa Pinas lang – DOJ

MANILA, Philippines- Nasa Pilipinas lamang ang kontrobersyal na lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Assistant Secretary Mico Clavano, may impormasyon ang DOJ na nasa bansa lamang nagtatago si Quiboloy.

Isinailalim si Quiboloy sa immigration lookout bulletin order (ILBO) kung kaya malalaman aniya kung nakalabas na ito ng bansa maliban na lamang kung gamitin nito ang backdoor ng Pilipinas.

Sinabi ni Clavano na naghain na ang piskalya sa mababang korte ng motion to issue a hold departure order laban kay Quiboloy.

Una nang naglabas ng arrest order ang Davao City at Pasig RTC kaugnay sa mga kasong sexual at child abuse at qualified human trafficking.

Sinabi ni Clavano na ang kaso sa Davao City ay nailipat na sa Pasig City para iisang lugar na lamang gaganapin ang pag-usig.

Maliban sa mga kaso sa Pilipinas, nahaharap din sa mga kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion at sex trafficking of children si Quiboloy sa Estados Unidos at kasalukuyang nasa wanted list ng Federal Bureau of Investigation. Teresa Tavares