MANILA, Philippines- Patay ang isang pharmacist nang pumailalim sa isang truck matapos sumemplang ang sinasakyan nilang motorsiklo ng kanyang mister na isang pulis sa Mel Lopez Blvd., Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktima na si Gizelle Canlapan, 32-anyos at residente ng Rodriquez St., Brgy. 129, Tondo.
Nagtamo naman ng gasgas sa katawan ang mister ng biktima na si John Carlo Canlapan.
Sa ulat, sakay ng Yamaha NMAX ang mag-asawa ng alas-11 ng gabi at binabagtas ang northbound lane ng Mel Lopez Blvd.
Pagsapit malapit sa Katuparan St., isang motorsiklo ang bigla umanong lumusot dahilan para magpreno upang maiwasan itong mabangga.
Gayunman, dumulas ang gulong ng motorsiklo kaya sumemplang at bumagsak ang mag-asawa sa kalsada.
Sa kasamaang palad, nabangga at nagulungan ang ginang ng kanang bahagi ng gulong ng tractor head na may trailer na bumabagtas din sa parehong direksyon na nagresulta ng agaran niyang pagkamatay. Jocelyn Tabangcura-Domenden