MANILA, Philippines- Nakaengkwentro ng pinagsanib na pwersa ng 2nd Infantry Division (2ID) Philippine Army ang grupo ng mga teroristang NPA na ikinasawi ng isang babae sa dalawang magkahiwalay na probinsya kahapon sa Boundary ng Barangay Labo Camarines Norte at Famy, Laguna.
Base sa report ng 201st Infantry Brigad, kasalukuyan umano silang nagsagawa ng routine security operation sa naturang lugar makaraang makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente na mayroong mga grupo ng mga armadong lalaki na hinihinalang mga teroristang NPA .
Napag-alaman na ganap na alas -7:43 ng umaga kahapon nang magsimula ang engkwentro sa pagitan ng mga terorista at miyembro ng Philippine Army na may 25 minutong palitan ng putok kung saan napilitang tumakas ang grupo ng NPA na hinihinalang may mga sugatan sa mga ito.
Samantala, walang naiulat na sugatan sa mga miyembro ng Army Troops, kung saan narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang isang M16 rifle, magazine na naglalaman ng 16 na bala nito, dalawang cellular phones , iba’t ibang uri ng personal na kagamitan, pagkain at mga dokumento.
Bukod dito, isang babae ang nasawi na miyembro ng mga teroristang NPA na nagsasagawa ng operasyon sa bayan ng Famy, Laguna, matapos na makasagupa ang grupo nito ng mga miyembro ng 2ID at narekober ang isang baril na hinihinalang pag-aari ng nasawi.
Ayon kay 2ID Commander Maj. Gen. Cerilo Balaoro Jr. patuloy ang kanilang isinasagawang operasyon laban sa grupo ng mga teroristang NPA at suporta sa mamamayan na mapanatili ang kapayapaan sa lalawigan ng Southern Tagalog at karatig na lugar.
Aniya, pinupuri at pinasasalamatan nito ang mga sundalo hinggil sa kanilang matagumpay na operasyon bilang serbisyo para protektahan ang mamamayan. Ellen Apostol