Home NATIONWIDE Phase-out ng SHS sa SUCs, LUCs ‘pinalagan’ sa Senado: Estudyante ‘wag pabayaan

Phase-out ng SHS sa SUCs, LUCs ‘pinalagan’ sa Senado: Estudyante ‘wag pabayaan

MANILA, Philippines- Mistulang pinalagan ng dalawang senador ang memorandum ng Commission on Higher Education (CHED) na itigil ang pagtanggap ng senior high school sa lahat ng state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) dahil baka mabayaan ang mag-aaral.

Sa magkakahiwalay na pahayag, kapwa hinimok nina Senador Chiz Escudero at Grace Poe ang CHED na gumawa ng pamamaraan upang walang mag-aaral ang madehado sa bagong patakaran na magdudulot ng pabigat sa pamilya ng estudyante.

Ayon kay Escudero, dapat magkaroon ng mahigpit na koordinasyon ang CHED at Department of Education (DepEd) upang matiyak na walang kahit isang estudyante ang mapapabayaan sa pagtigil ng SHS program sa pampublikong pamantasan.

Kahit may legal na basehan ang pagpapatigil ng SHS program sa SUCs at LUCs at alinsunod sa mandato ng Higher Education Institutions (HEIs), iginiit ni Escudero na dapat walang maiiwan na estudyante dulot ng pagbabago ng patakaran.

“Bagama’t legal ang hakbangin ng CHED, mahalaga pa rin na matiyak natin ang kapakanan ng ating mga estudyante sa senior high school. Walang dapat na maiwan at mahalaga rito na nag-uusap ang CHED at DepEd,” paliwanag ni Escudero.

Pinayagan ang SUCs at LUCs na tumanggap ng SHS sa transition period ng K-12 program, ayon sa mambabatas.

Ayon kay Escudero, chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, dapat magkaroon ng mahigpit na koordinasyon ang DepEd sa pamamagitan ng regional offices kung may estudyante na nangaganib na maiwasan sakaling hindi na maghandog ng SHS program ang SUCs/LUCs.

Naunang kinumpirma ni CHED Chairman Prospero de Vera III ang ipinalabas na memorandum na may petsang December 18 na nagsasabing “discontinuance” ng Senior High School (SHS) Program sa SUCs/LUCs alinsunod na naunang direktibang CHED sa pamamagitan ng CMO Nos. 32 at 33 series of 2015 at 2016.

Wala nang basehang legal ang HEis na ipagpatuloy ang SHS program, ayon sa memorandum.

Ayon kay De Vera, naobliga itong magpalabas ng memorandum matapos matuklasan na may ilang SUCs at LUCs ang tumatanggap pang senior high enrollees nitong nakaraang taon matapos ang dalawang taong transition period.

Kasabay nito, sinabi ni Poe na “education authorities should sit down and firm up a plan for a seamless transition for senior high school (SHS) students affected by the discontinuation of the program in SUCs and LUCs.”

“There should be an assessment to know if public schools nationwide have the facilities and personnel to accept the expected influx of students,” giit ng senadora.

Aniya, “Wag naman natin basta pabayaan na lang ang ating mga estudyante.”

“Hindi sila dapat gumastos ng malaki sa tuition o mapwersang hindi na mag-aral dahil walang pangtustos ang pamilya,” paliwanag pa ng senador.

“The SHS program should hold its promise of employability and more competitive graduates, not as burden to Filipino learners,” dagdag ni Poe. Ernie Reyes

Previous article3-time Thai champ Supreme VC tibag sa La Salle Lady Spikers
Next articleXian, pinagtripan ang retokadong ilong ni Alex!