MANILA, Philippines – Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, ang pagpapalawak ng PhilHealth sa benepisyong sasaklaw sa rare diseases at mobility devices sa ilalim ng health-care packages nito.
Ang nasabing reporma ay inaasahang magpapagaan sa pinansiyal na pasanin ng mga apektadong pamilya at magbibigay ng mas mahusay na access sa esensyal na health services.
Sinabi ni Go na ito ay matagal na at lubhang kailangan ng napakaraming Pilipino na nagdurusa dahil sa kakulangan ng tamang suporta sa kanilang mga pangangailangang medikal.
Kasama sa bagong “Z-Benefits Package for Rare Diseases” ng PhilHealth ang coverage sa sampung bihirang genetic condition, tulad ng Maple Syrup Urine Disease, Gaucher Disease, at Osteogenesis Imperfecta, bukod sa iba pa. Ang rate ng benepisyo para sa mga sakit na ito, na nakakaapekto sa tinatayang 443,000 Pilipino, ay mula sa P99,000 hanggang P739,000—isang pagtaas ng mahigit 1,000 porsiyento kumpara sa nakaraang coverage.
Bilang karagdagan, pagkatapos ng maraming apela ni Go, ang mga kagamitang pantulong tulad ng wheelchair, walker, at tungkod ay sasakupin na ngayon sa ilalim ng outpatient na Konsulta package ng PhilHealth, kasama ng mga pinahusay na rehabilitation services.
Kamakailan, inaprubahan ng PhilHealth ang preventive oral health benefit package, kasama ang dental care, at sinabi ni Go na ito ay tagumpay ng tuluy-tuloy niyang krusada na maireporma ang mga programang pangkalusugan.
“Sulit ang ating pangungulit sa sunud-sunod na pagdinig natin sa Senado,” sabi ni Go.
Nakatulong din siya sa kamakailang pag-aalis ng patakaran sa Single Period of Confinement (SPC) na dati nang nagdulot ng malaking hamon para sa mga benepisyaryo.
“Dapat nating gawing mas responsive ang PhilHealth sa mga tunay na pangangailangan ng ating mga kababayan. Ang pera ng PhilHealth ay para sa taumbayan—bawat sentimo dapat nagagamit sa paraan,” dagdag ni Go.
Matatandaang iginiit ni Go ang kanyang apela sa mga opisyal ng PhilHealth na pabilisin ang pagpapatupad ng mga ipinangakong reporma, partikular sa nangungunang 10 mortality disease at pagpapalawak ng mga benepisyo para sa preventive at outpatient care.
Habang isinasapinal ng PhilHealth ang mga expanded package nito, muling pinagtibay ni Go ang kanyang pangako sa kapakanan ng mga Pilipino sa pagsasabing ang kanyang krusada para sa makabuluhang mga reporma sa kalusugan ay magpapatuloy hanggang sa makamit ng bansa ang isang mas inklusibo at patas na sistema sa health care. RNT