Home NATIONWIDE PhilHealth, kinastigo ng solon sa nabigong pangako sa zero billing: ‘Paasa lang’

PhilHealth, kinastigo ng solon sa nabigong pangako sa zero billing: ‘Paasa lang’

MANILA, Philippines – Matinding kinastigo ng isang senador ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealt) sa nabigong pangako nito na magtatakda ng zero billing sa members sa kabila ng lumolubong kita taun-taon.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na nagmistulang “paasa” lamang ang pangako ng PhilHealth na magkakaroon ng “no balance billing (NBB) policy ang ahensiya.

Ayon sa ginanap na pagdinig ng Senado hinggil sa illegal na paglilipat ng P90 bilyong pondo ng PhilHealth members sa Bureau of Treasury, sinabi ni Cayetano na ghindi tumutugma ang depinisyon ng ahensiya sa karanasan ng karamihang Pilipino.

“Ang definition kasi ng ordinaryong tao, ‘Kapag pumunta ng kahit anong ospital at P100,000 ang bill tapos mayroong zero billing policy, wala akong babayaran’,” wika ng senador sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography kasama ang Finance nitong Martes, August 20, 2024.

Pero ngayon aniya, “kahit saan silang ospital pumunta, may out of pocket expenses pa.”

Ayon kay Cayetano, kailangang linawin ng PhilHealth ang polisiya – na mas kilala bilang zero billing – at huwag paasahin ang taumbayan na walang babayaran kapag pumunta sa mga ospital.

“Kung zero billing (ang) sinabi mo, parang false promise. Let’s stop using it kasi nalilito ang tao,” wika niya.

Ipinaabot din ni Cayetano na maaaring bumalik ang false promise sa Kongreso dahil aniya, “kami naman ang nagpopondo sa inyo.”

Ikinuwento pa ng senador na matagal na itong alalahanin ng mga Pilipino. “I started as a councilor in 1992 and in Congress in 1998 nung nagsimula talagang lahat ng horrors [tulad ng] hindi makalabas sa hospital dahil hindi makabayad, at patong patong na y’ung kanilang gastos,” sabi niya.

Aniya, sa hinaba ng panahon, umasenso na rin ang kalakaran kung saan sa panahon ng mga Pangulong Joseph Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, Benigno Aquino III, at Rodrigo Duterte, zero billing ang polisiya sa mga naoospital.

Ngunit ayon sa senador, iba ang natuklasan ng PhilHealth hinggil sa NBB policy kaya nagkaroon ng pagbabago sa packaged rates ng kumpanya.

“By the end of the Arroyo administration and start of the Aquino administration, nagka-adjustments [sa PhilHealth packaged rates] dahil we found out na middle and upper middle class ang gumagamit ng PhilHealth, hindi iyong pinakamahihirap,” sabi ng senador.

“Kasi ang upper middle class, may pandagdag, pero ang pinakamahihirap wala. So kailan tayo dadating sa zero billing?” ipinunto niya.

Bukod riyan, pagdating ng COVID-19 pandemic, nagtaka si Cayetano na tila nagbago ang polisiya.

“From the pandemic, parang na-reverse iyon. Kasi the last time na nag-survey ang PhilHealth, 2015 ba or 2016 pa para tingnan ang presyo and then nag-pandemic. So what happened?” tanong niya.

Hindi naman minadali ni Cayetano ang mga opisyal ng PhilHealth na magbigay agad ng sagot, kundi binigyan niya sila ng panahon para pag-usapan muli ang layunin at time-frame ng PhilHealth para sa zero billing.

“If we can’t answer it now (timeline), let’s just be frank sa tao. I’m talking to the whole of government. Kung sasabihin natin ang insurance natin – dahil mababa binibigay natin – 50 percent lang babayaran, ‘50 percent’ [billing],” sabi ni Cayetano.

“At a future date, maybe at the [2025] budget hearing of the Department of Health, maybe we can submit that. Let’s make it clear sa tao ano ang kaya nating ibigay at ano ang kailangan ninyo para maibigay natin,” ayon sa senador. Ernie Reyes