Home Uncategorized Impeachment sa’kin ‘niluluto’ ng ilang kongresista – VP Sara

Impeachment sa’kin ‘niluluto’ ng ilang kongresista – VP Sara

MANILA .Philippines – IKINANTA ni Vice-President Sara Duterte na may ilang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang nagpa-plano na maghain ng impeachment complaint laban sa kanya.

Sa isang panayam matapos na iendorso ng Committee on Finance ang panukala ng Office of the Vice President na P2.037-billion budget para sa 2025 sa plenaryo, sinabi ni VP Sara na hinihintay niya ang susunod na hakbang ng mga kongresista.

“Pinag-uusapan nila kahit na i-deny nila. Pinaguusapan ng members ng House of Representatives. Kasi meron pa naman kaming mga kaibigan diyan sa loob eh na hindi lang nagsasalita dahil takot daw sila. So sinasabi nila it’s openly discussed ‘yung impeachment,” ayon kay VP Sara.

Tinuran pa ni VP Sara na may ilang kongresista ang nais na “to project the family as corrupt, as criminals, as walang kuwentang mga tao kung di para sa pansarili lang nila,” aniya pa rin.

“Sinabi ko na dati, we are a threat to the perpetuation in power of people na interesado maging, sabihin na nating, prime minister kung matuloy ‘yung niluluto nilang Cha-cha o president kung hindi maluto ‘yung Cha-cha nila,” dagdag na wika nito.

Nauna rito, hindi pabor si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ma-impeach o mapatalsik sa puwesto si VP Sara.

Naniniwala si Pangulong Marcos na hindi deserve ni VP Sara na maalis sa puwesto.

Aniya pa, “excellent” ang kanilang relasyon ng Bise Presidente bagama’t para naman kay VP Sara ay ‘walang label’ ang relasyon niya sa Pangulo.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni VP Sara na hindi siya nababahala sa impeachment rumors.

Batid naman aniya ng publiko na wala siyang plano na tumakbo bilang bise-presidente subalit hindi naman niya pinagsisisihan ang pagtakbo sa naturang posisyon.

“I am not all bothered. I am bothered na gusto nilang i-frustrate ang pinili ng mga tao na maging Vice President all because of power and politics,” ayon kay VP Sara.

Samantala, sa ngayon ay wala naman siyang plano na tumakbo sa pagka-pangulo sa 2028 national elections.

“Dapat mag-plano for 2028 sa 2027 at fourth quarter of 2026… Wala akong planong ganyan,” aniya pa rin. Kris Jose