Home NATIONWIDE PHIVOLCS Modernization Act, isinalang sa plenaryo: ‘Upgrading vs natural disaster’

PHIVOLCS Modernization Act, isinalang sa plenaryo: ‘Upgrading vs natural disaster’

Nakasalang na sa plenaryo ang deliberasyon ng isang Kumprehensibong plano na magpapalakas at magpapaunlad sa kakayahan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na tugunan ang natural disasters.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano, chairman ng Senate committee on science and technology, na kailangan nang magkaroon ng upgrading sa kakayahan at kagamitan ng ahensiya upang nakahanda ang bansa sa anumang natural na sakuna.

“We should really give all the effort for this modernization bill. It will help us in the long run,” aniya.

Inihain sa plenaryo nitong Lunes , September 16, 2024, ang Senate Bill No. 2825 sa ilalim ng Committee Report No. 322, na naglalayong magkaroon ng modernisasyon sa PHIVOLCS.

“Naglalayong i-upgrade ng panukalang batas na ito ang mga kagamitan at imprastruktura ng ahensya, paigtingin ang kanilang pananaliksik at pakikipag-ugnayan sa publiko, at palawakin ang kanilang kakayahan sa momonitor ng mga sakuna,” ayon kay Cayetano.

Ayon sa panukala, makatutulong ang batas na ito sa pagpapalago ng kakayahan ng PHIVOLCS sa pananaliksik at pag-unlad sa pamamagitan ng paggamit ng systematic approach at developed methodologies na nakatuon sa pagpapabuti ng operasyon at special services.

Layunin ng hakbang na ito na palakasin ang kahandaan ng bansa laban sa sakuna tulad ng lindol, pagsabog ng bulkan, at tsunami. Bukod dito, nais rin nitong gawing mas ligtas at mas may alam ang publiko tungkol sa anumang natural na sakuna.

Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Science and Technology nitong Pebrero, binigyang diin ni Cayetano ang pangangailangan na bigyan ng makabago at advanced na sistema ang PHIVOLCS upang mapabuti ang operasyon nito.

“It’s time we modernize and we put the money there. We just stop talking about it and just do it because we are a country that is vulnerable to disasters and calamities,” wika niya.

Idinagdag ng senador na makatutulong ang modernisasyon ng PHIVOLCS sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa infrastructure projects nito.

“Hazard mapping will aid everyone in construction, including where to build and where not to build new roads,” wika niya.

“Kung walang guide ang DPWH sa earthquake hazard maps, hindi natin alam kung ang ginagawa nilang bridges, covered courts, and buildings are on areas that are dangerous,” dagdag niya.

Bukod sa pag-upgrade ng teknolohiya ng PHIVOLCS, layunin din ng batas ang pagpapabuti ng pagpapakalat ng impormasyon sa publiko tungkol sa mga panganib ng sakuna at pagpapalakas ng koordinasyon sa iba pang mga ahensya at stakeholder ng gobyerno.

“It shall include continuous sharing of information with LGUs and other stakeholders that will help in disaster planning, preparation, and disaster mitigation, among others,” ayon sa panukala.

Nakatakdang talakayin pa sa Senado ang PHIVOLCS Modernization Act. Ernie Reyes