MANILA, Philippines- Nakagitgitan ng isang pickup truck na minamaneho ng isang 42-anyos na driver ang closed van sa Tandang Sora Avenue sa Barangay Old Balara, Quezon City nitong Huwebes ng gabi, subalit hindi ang banggaan ang ikinasawi ng nasabing driver kundi pamamaril.
Nagresulta rin ang pamamaril sa pagkasugat ng isang 51-anyos na lalaki na katabi ng driver ng pickup truck.
Batay sa salaysay ng isa sa limang sakay ng pickup truck na natukoy na anak ng nasugatan, pauwi na sila sa Marilao, Bulacan galing ng Antipolo City, Rizal nang may bumangga umano sa kanila habang tinatahak ang Tandang Sora Avenue.
Nagresulta ito sa pagtatalo ng mga driver ng dalawang sasakyan.
“Nagkagitgitan po. Una po kasi [kaming] pumasok sa lane. Tapos ginitgit po kami na ito. Tapos iyong driver po namin, nagalit, ginitgit niya rin. Tapos umabante kami nang kaunti, tapos hinarang na po kami (puting sasakyan),” pagbabahagi ng isa sa mga sakay ng pickup truck.
“Bumaba po iyong driver. Sinuntok niya po iyong driver namin. May dala na po siya ng baril sabay putok. Inubos niya po lahat ng bala,” patuloy niya.
Idineklarang dead on arrival ang biktimang driver.
Sumuko naman ang suspek na natukoy na isang pulis sa Quezon City Police District Station 6.
Narekober ang pitong basyo ng bala ng baril sa crime scene.
Hustisya ang sigaw ng mga kasamahan ng biktima. RNT/SA