MANILA, Philippines- Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang puganteng Japanese national na hinihinalang miyembro ng kilalang “Luffy fraud syndicate” kasunod ng pagkakaaresto nito sa Pampanga noong Marso 15.
Kinilala ni Viado ang Hapones na si Odaira Kai, 35-anyos, na naaresto sa kanyang condominium unit sa kahabaan ng Jose Abad Santos Ave., San Fernando City, Pampanga.
Si Odaira ay inaresto ng FSU sa bisa ng isang mission order na inilabas niya sa kahilingan ng gobyerno ng Japan na nag-ulat ng kanyang presensya sa bansa.
Inakusahan ng mga awtoridad ng Japan na si Kai at ang kanyang mga kasabwat ay nagnakaw ng mga ATM card sa pamamagitan ng pagpapanggap na mga alagad ng batas upang linlangin ang isang matandang biktima na isuko ang kanyang mga bank card sa ilalim ng dahilan ng pagsisiyasat ng pulisya.
Nabatid sa BI na mahigit sa 4 milyong yen na cash, katumbas ng humigit-kumulang US$27,000, ang iniulat na ninakaw mula sa biktima sa pamamagitan ng hindi awtorisadong pag-withdraw gamit ang nasabing mga ninakaw na card.
Nakakulong ngayon si Kai sa BI custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang pagsasagawa ng deportation proceedings. JR Reyes