Home NATIONWIDE Pilipinas aalisin ni Herbosa sa Top 10 countries na may pinakamaraming kaso...

Pilipinas aalisin ni Herbosa sa Top 10 countries na may pinakamaraming kaso ng TB

MANILA, Philippines – Target ni Health Secretary Ted Herbosa na maalis ang Pilipinas mula sa listahan ng mga bansang nasa Top 10 na may pinakamataas na bilang ng kaso ng tuberculosis sa pagtatapos ng kanyang termino.

Sa Palace briefing, inulit ni Herbosa na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tugunan ang problema ng tuberculosis sa Pilipinas, at binanggit na nasa milyong Filipino ang kasalukuyang infected ng nakakahawang sakit na karaniwang nakakaapekto sa baga.

Ang Pilipinas ay ikaapat sa mga bansa na bumubuo ng two-thirds ng tinatayang mga kaso ng tuberculosis sa buong mundo, ayon kay Presidential Directives on Tuberculosis action officer Dr. Keziah Lorraine Rosario noong Lunes, na binanggit ang 2022 Global TB Report.

Dagdag ni Rosario, ang Pilipinas ay isa rin sa mga bansa sunod sa India, Indonesia, Myanmar, na mag-ambag sa tinatayang pagtaas ng bilang ng mga namamatay sa tuberkulosis.

Nang tanungin ang kanyang panandaliang layunin sa paglaban sa tuberculosis, sinabi ni Herbosa na target niyang mahanap ang lahat ng Pilipinong nahawaan ng sakit at tapusin ang programa ng gobyerno na TB-DOTS.

Ilan sa mga dahilan na nakikita ni Herbosa kung bakit may mataas na bilang ng kaso ng tuberculosis sa bansa ay dahil sa logistics at supply chain management, kung saan ang mga gamot ay hindi naihahatid kaagad sa mga health center at klinika. Jocelyn Tabangcura-Domenden