Home NATIONWIDE Iregularidad sa paghawak sa drug case noong 2003 iimbestigahan ng DOJ

Iregularidad sa paghawak sa drug case noong 2003 iimbestigahan ng DOJ

MANILA, Philippines – Iimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang iregularidad na naganap sa drug case ng limang Chinese na nahulihan ng ₱1 bilyon halaga ng shabu noong 2003.

Magugunita na inabswelto at iniutos ng Supreme Court na mapalaya ang dalawang Chinese national dahil sa mga kapalpakan ng mga pulis, piskalya at maging ng mababang korte.

Sinabi ni Justice Assistant Secretary at spokesperson Mico Clavano na pag-aaralan ng kagawaran ang desisyon ng SC at aalamin kung anong nangyari at hindi umaksyon ang prosekusyon nang ilabas ng RTC ang desisyon.

Iginiit ni Clavano na trabaho ng prosekusyon na maghain ng apela kung hindi akma ang ipinataw na parusa ng RTC sa akusado.

Samantala, inamin ni Clavano na isa itong paalala na rin sa kanilang hanay na dapat sumunod sa “chain of custody”. Teresa Tavares