Home NATIONWIDE Pilipinas ‘di magsisilbi ng arrest warrant ng ICC kay ex-PRRD – PBBM

Pilipinas ‘di magsisilbi ng arrest warrant ng ICC kay ex-PRRD – PBBM

MANILA, Philippines – TAHASANG sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi magsisilbi ang gobyerno ng anumang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte.

Nananatili kasi ang posisyon ng Pangulo na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas.

“We don’t recognize the warrant…That’s a no,” ayon kay Pangulong Marcos nang tanungin kung ang gobyerno ang mag-aabot ng arrest warrant kay Digong Duterte sakali’t magpalabas ang ICC nito.

Matatandaang, nagsabi na rin ng Philippine National Police (PNP) na hindi nila aarestuhin si dating Pangulong Duterte sakali’t iutos ng International Criminal Court (ICC) ang pagdakip dito.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, mananatili sila sa naging pahayag ng MalacaƱang na walang hurisdiksyon sa Pilipinas ang ICC.

Giit ni Fajardo, may sariling judicial system ang bansa kaya hindi na kinakailangan pa ang warrant of arrest ng ICC laban sa dating Pangulong Duterte.

Sinabi pa ni Fajardo na wala naman silang natatanggap na anumang impormasyon tungkol sa sinabi ng dating Pangulong Duterte na may nakaumang na pag-aresto sa kanya.

Ani Fajardo, malalaman at malalaman naman nila sakaling may inilabas na arrest warrant laban kay FPRRD.

Apela ng PNP sa ilang indibidwal o sektor, huwag gumawa ng anumang isyu hinggil sa warrant of arrest.

Matatandaang si dating Presidential Spokesperson Harry Roque ang nagsabi na tinawagan siya ng dating Pangulo at sinabi umanong may pending warrant of arrest laban sa kanya.

Samantala, muling iginiit ni Solicitor General Menardo Guevarra na hindi makikipagtulungan si Pangulong Marcos sa ICC kaya hindi na kailangan na maglabas ito ng direktiba sa mga law enforcement agencies para hindi ihain ang anumang arrest warrant. Kris Jose