Home NATIONWIDE Pilipinas, nakatanggap ng dagdag na 21,000 MT LPG mula Texas

Pilipinas, nakatanggap ng dagdag na 21,000 MT LPG mula Texas

52
0

MANILA, Philippines – Dumating na sa bansa ang karagdagang 21,000 metric tons (MT) ng liquefied petroleum gas (LPG), na nagpalawak sa suplay ng LPG sa halos 42 araw, ayon sa Department of Energy (DOE).

Dumating ang kargamento sa SPI Terminal sa Calaca, Batangas noong Mayo 30. Ito ay binili ng Philippine National Oil Company (PNOC) sa ilalim ng Emergency Energy Security Program ng DOE at nagmula sa Enterprise Port sa Texas, Estados Unidos sa pamamagitan ng Trafigura Pte. Ltd.. Binubuo ito ng tig-50 porsiyentong refrigerated propane at butane.

Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, makatutulong ang karagdagang suplay upang matiyak ang sapat na LPG para sa mga kabahayan, restaurant, at mga pasilidad ng pagmamanupaktura.

“Yun po yung isang effort po ng ating gobyerno na (mă)laking tulong po ito sa maraming negosyo at maraming household,” ani Garin.

Sinabi naman ni DOE Undersecretary Alessandro Sales na aabutin ng apat hanggang limang araw ang pagdiskarga ng kargamento at madaragdagan ng humigit-kumulang apat na araw ang kasalukuyang suplay ng LPG sa bansa.

Ayon sa kanya, anim na beses nang mas mataas ang kasalukuyang imbentaryo kumpara sa pitong araw na minimum supply na itinatakda ng batas.

Dagdag pa ni Sales, bagama’t bahagyang naging matatag ang pandaigdigang merkado ng petrolyo dahil sa mga kaganapan sa Middle East, nananatiling pabagu-bago ang presyo ng LPG, dahilan ng P3.41 kada kilo na pagtaas ng presyo nito ngayong Hunyo. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here