MANILA, Philippines — Kinumpirma ng World Meteorological Organization (WMO) na ang 2024 ang pinakamainit na taon sa buong mundo, na may temperaturang 1.55°C na mas mataas kaysa sa pre-industrial na average.
Sa Pilipinas, iniulat ng PAGASA na ang 2024 ang pinakamainit na taon mula nang magsimula ang monitoring noong 1951, bahagyang nalampasan ang record noong 1998 ng 0.05°C.
Ang matinding init ay dulot ng pag-abot sa rurok ng isang malakas na El Niño kasabay ng mainit at tuyong panahon ng bansa mula Marso hanggang Mayo. Sa panahong ito, nagtala ng maraming dry spell, tagtuyot, at mga record-breaking na temperatura sa iba’t ibang lugar, kabilang ang Clark, Pampanga (39.1°C), Pasay City (38.8°C), at Butuan City (38.0°C).
Ang El Niño, na tumagal mula Hunyo 2023 hanggang Mayo 2024, ay nagdulot ng malaking pinsala sa agrikultura na umabot sa halos ₱10 bilyon. Sa kabila ng malalang epekto nito, binigyang-diin ng PAGASA ang mas mahusay na kahandaan kumpara sa El Niño noong 1997-1998, dahil sa mas maayos na forecasting, mas maraming datos, at koordinasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan.
Kapansin-pansin din na mas mataas ang pagtaas ng temperatura sa gabi kumpara sa araw noong 2024, na dulot ng urban heat island effect sa mga lungsod. Ang epekto nito ay pinalala ng mga gusaling gawa sa kongkreto at bakal na naglalabas ng init, at kakulangan ng berdeng espasyo at tanim.
Sinuspinde ang mga face-to-face na klase dahil sa matinding init, na nagbigay-diin sa pangangailangan ng mas epektibong paghahanda laban sa mas matitinding weather events sa hinaharap. RNT