Home NATIONWIDE Bagong wildfire sumiklab sa LA

Bagong wildfire sumiklab sa LA

WASHINGTON – Isang bagong wildfire na tinawag na Hughes Fire ang sumiklab sa hilagang bahagi ng Los Angeles County nitong Miyerkules, na tumupok ng higit sa 9,000 ektarya sa loob lamang ng ilang oras.

Nagmula malapit sa maliit na komunidad ng Castaic, ang sunog ay nag-udyok sa libu-libong residente na lumikas habang pinaalalahanan ang mga karatig na lugar na maaaring magpatupad ng evacuation orders.

Unang naiulat ang apoy bandang 10:53 a.m. na may sukat na 50 ektarya ngunit mabilis na lumobo sa higit 9,200 ektarya pagsapit ng 8:27 p.m., dulot ng tuyong kalagayan at matinding hangin. Ayon sa CalFire, umabot na ang apoy sa kalapit na Ventura County at nananatiling walang containment habang nagpupursige ang mga bumbero na makontrol ito.

Ang Hughes Fire ay kasunod ng serye ng mga sunog na sumiklab sa mas malaking bahagi ng Los Angeles simula Enero 7.

Ang Palisades Fire ay tumama sa mayamang komunidad ng Pacific Palisades, na ikinamatay ng 11 katao, habang ang Eaton Fire ay tumupok sa Altadena, na nagdulot ng 17 pagkasawi. Parehong nagresulta ang mga sunog sa malawakang paglikas at pagkasira ng maraming tirahan.

Habang 68 porsyento na ang containment ng Palisades Fire at 91 porsyento naman sa Eaton Fire, patuloy na nagpapaalala ang kanilang iniwang pinsala sa kaseryosohan ng wildfire crisis sa California.

Sa patuloy na pagkalat ng Hughes Fire, hinihimok ng mga awtoridad ang publiko na manatiling alerto at handa sa paglikas. RNT