Bilang sagot sa kakulangan at paputol-putol na supply ng kuryente dulot ng mapanirang kapangyarihan ng kalikasan gaya ng malalakas na bagyo sa Isla ng Alabat, nakatakdang itayo rito ang pinakamalaking windmill sa bansa.
Pinamunuan ng Alternergy Holdings Corp at ng Panlalawigang Bayan ng Quezon sa pangunguna ni Governor Helen Tan ang groundbreaking ceremony na ginanap sa Alabat Island upang masimulan ang pagtatayo ng Alabat, Wind Power na isang renewable project.
Ang pagbuo ng wind power sa Alabat ay inaasahang magdudulot ng malinis, sustainable at renewable na supply ng kuryente , magdudulot din ito ng benepisyong pang-ekonomiya para sa lalawigan at sa mga nasasakupan nito.
Ang pagkumpleto ng Alabat Wind Power Project ay hindi lamang magbibigay ng malinis, berdeng enerhiya sa Quezon grid, ngunit magsisilbi rin bilang isang katalista para sa hinaharap na pag-unlad ng Alabat Island.
Higit pa rito, ang Alternergy ay may matatag na mga plano sa pagpapalawak sa susunod na tatlong taon at inaasahan na bumuo ng hanggang 366 MW ng karagdagang renewable energy tulad ng wind, solar, at run-of-river hydro projects.
Sumailalim muna sa teknikal na pag-aaral at Environmental Impact Assessment ang iatatayong wind farm ng Alternergy Holdings Corp. sa isla ng Alabat.
Ayon kay Gov. Helen Tan, ang alabat Wind power ay naglalayong maghatid ng napapanatiling enerhiya na malinis at naaayon sa bisyon at mission ng lalawigang bilang isang progresong lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng optimized na paggamit ng mga mapagkukunan at pagkakalooban ng enerhiya sa mga imprastraktura.
Aniya, ang Alabat Wind Power Project ay nakatuon sa paghahatid ng paglago ng komunidad.
Tiniyak nito na maraming oportunidad ang maghihintay at malaki ang magiging tulong nito sa mga residente kung saan maaaring makapag generate ng trabaho dahil mangangailangan ng 400 mangagawa ang naturang proyekto. Bukod sa magkakaroon ng trabaho ay tiyak din na bababa ang presyo ng kuryente dito at magiging tourist destination ang Isla ng Alabat dahil sa itatayong windmills.
Bukod pa rito aniya ay magiging tourist destination ang isla ng Alabat dahil sa itatayong windmill.
Bilin pa ng goberanadora sa mga residente ng ALQUEREZ na maging handa rin pagdating sa accommodation, pagkain at iba pang aspeto kapag naging pasyalan na ng turista ang Alabat island.
Ayon naman kay Gerry Magbanua, Alternergy President, malaki ang kanyang pasasalamat sa nakuha nilang suporta sa provincial government ng Quezon na makakatulong sa pagsisimula ng Alabat Wind Power construction.
Nabatid na walong windmill ang nakatakdang itayo kung saan tig 4 ang dalawang mga bayan rito, ang Quezon-Quezon at bayan ng Alabat na kayang maggenerate ng 64 Megawatts.
Inaasahan na buwan ng Disymbre ng taong 2025 ay mayroon nang stable at murang kuryente ang mga taga ALQUEREZ.
Ayon naman kay Vicente Perez Jr., Chairman ng Alternergy Holdings Corporation, ang naturang windmill ang pinakamataas sa bansa at kauna unahang windmill na nakaharap sa pacific Ocean.
Palalakasin ng Alternergy ang pagbuo ng mga inisyatiba ng lakas ng hangin nito na siyang magbabahagi ng supply ng kuryente sa isla.
Nabatid na kasama ang Alabat Wind Power Project na ginawaran ng Deparment of Energy (DOE) sa ilalim ng Green Energy Auction 2 (GEA 2) Program.
Napag-alaman din na taong 2018 pa lamang nang ipinanukala ng noon ay Congresswoman Tan sa Department of Energy (DOE) ang posibilidad na pagtatayo ng windmills sa isla ng Alabat dahil bukod sa ligtas gamitin ay eco friendly pa rin ito at maaari rin magbukas ng mga oportunidad sa mga residente at sa paglago ng ekonomiya ng lalwigan ng Quezon. RNT