Home NATIONWIDE P80.9M idinonate ng gobyerno sa AFP hospital Zambo

P80.9M idinonate ng gobyerno sa AFP hospital Zambo

MANILA, Philippines – TINURN-OVER ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang P80.9-million na halaga ng tseke sa Camp Navarro General Hospital (CNGH) mula sa Office of the President (OP).

Ang P80.9 million donation ng Pangulo ay gagamitin para bumili ng mga gamit para sa operating room ng ospital, diagnostics, ward, physical therapy, at iba pang kagamitan.

Iniabot ng Pangulo ang nasabing donasyon matapos na inspeksyunin ang bagong gawang gusali sa Western Mindanao Command (WESMINCOM) medical facility, araw ng Huwebes.

Ang tseke ay tinanggap ni CNGH chief Lt. Col. Giovanni R. Falcatan, nag- brief din sa Pangulo habang isinasagawa ang pag-inspeksyon sa bagong hospital building.

Sa kabilang dako, itinayo noong 1975, ang CNGH ay matatagpuan sa Upper Calarian, WESMINCOM, Zamboanga City, Zamboanga del Sur.

Isang 50 hanggang 100-bed capacity infirmary-level hospital, ang CNGH ay nagsisilbi sa mga sundalo, dependents, at awtorisadong sibilyan na kailangan ng ‘medical, surgical, at pediatric services’ sa lugar ng operasyon ng WESMINCOM.

Ang kamakailan lamang na pagkayari ng CNGH building ay magsisilbing Role III facility para makapaghatid ng mahahalagang medical service at suportahan kapuwa ang military at sibilyan sa ilalim ng hurisdiksyon ng WESMINCOM.

Ang ospital ay naka-programa para makapagbigay ng Role II functions para suportahan ang Camp Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo, Sulu, nasa ilalim din ng kahalintulad na command. Kris Jose