Home NATIONWIDE Pinakamalinis na barangay pararangalan ng DILG

Pinakamalinis na barangay pararangalan ng DILG

UPANG ipatupad ang cleanliness drive sa buong bansa gagawa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng recognition system na sumasaklaw sa mahigit 42,000 barangay sa buong bansa para mamonitor, suriin, at gawaran ng pinakamalinis na barangay.

Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyan ng insentibo ang mga local government units (LGUs) sa pagpapanatili ng kalinisan sa ilalim ng programang “Kalinisan sa Bagong Pilipinas”.

Ang Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan o (Kalinisanl project, na sabay-sabay na inilunsad sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong Sabado, ay ang bagong convergence initiative ng DILG upang mapanatili at magbigay ng malusog at ligtas na kapaligiran at paganahin ang partisipasyon ng komunidad.

Kaugnay nito ang mga barangay sa buong bansa ay nagsagawa ng clean-up drive mula 7 a.m. hanggang 11 a.m., na nakatuon sa mga lansangan, kanal, iba pang daluyan ng tubig, pampublikong pamilihan, paaralan, at pampublikong parke.

“Imo-monitor natin ang performance ng bawat barangay on a monthly basis. And quarterly, magkakaron tayo ng awarding. Tututukan talaga natin ito (We will monitor the performance of every village on a monthly basis. We will have a quarterly awarding. We will closely monitor this),” ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos sa paglulunsad nito sa Baseco Compound Port Area, Manila.

Ayon sa ulat binigyang-diin ang kahalagahan ng kalinisan, hinimok ni Abalos ang mga LGU na mamuhunan sa mga programa, proyekto, at aktibidad sa solid waste management at ecological practices.

“Sana hindi lang ngayong araw na ito. Sana gawin natin ito araw-araw sa ating mga barangay, sa ating mga kabahayan. Gawin natin itong way of life. Dapat kahit saan tayo magpunta, malinis (Sana hindi lang ito para sa araw na ito. Sana, magawa natin ito araw-araw sa ating baryo, sa ating mga tahanan. Gawin natin itong paraan ng pamumuhay. Dapat malinis ang bawat lugar na ating puntahan), ” sabi ni Abalos.

Samantala nanawagan siya sa mga lokal na opisyal na magpasa ng mga ordinansang nagpapataw ng parusa sa community service sa mga mahuhuling nagkakalat o nagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar.

Ang paglulunsad ng Kalinisan sa buong bansa ay kasabay ng Community Development Day ayon sa Proclamation No. 341, s. 1964, na nilagdaan ng yumaong pangulong Diosdado Macapagal. (santi celario)