MANILA, Philippines- Sumakabilang-buhay na ang pinakamatandang tao sa buong mundo, isang babaeng Japanese na si Tomiko Itooka, sa edad na 116, sa lungsod ng Ashiya.
Si Itooka, mayroong apat na anak at limang apo, ay nasawi noong December 29 sa isang nursing home kung saan siya nanatili mula 2019, ayon sa alkalde ng lungsod.
Isinilang siya noong May 23, 1908 sa commercial hub ng Osaka, malapit sa Ashiya—apat na buwan bago ilunsad ang Ford Model T automobile sa United States.
Kinilala si Itooka na pinakamatandang tao sa buong mundo matapos masawi noong August 2024 si Maria Branyas Morera ng Spain sa edad na 117.
“Ms. Itooka gave us courage and hope through her long life,” pahayag ng 27-anyos na alkalde ng Ashiya na si Ryosuke Takashima.
“We thank her for it.”
Kasunod ng pagkamatay ni Itooka, ang pinakamatandang tao na sa mundo ay ang 116-anyos na Brazilian nun na si Inah Canabarro Lucas, ipinanganak noong June 8, 1908, base sa US Gerontological Research Group and LongeviQuest. RNT/SA