NILINAW ni Manila 6th District Councilor Salvador Philip Lacuna na ang ordinansa na nagdedeklara bilang “Araw ni Carlos Yulo” tuwing sasapit ang Agosto 4 ay hindi dagdag na holiday.
Ayon kay Lacuna, ang nasabing ordinansa ay hindi regular holiday, special working holiday, o special non-working holiday.
“The ordinance does not mention the word ‘holiday’ at all. Therefore, students and employees in the entire city of Manila are still required to attend school and work on this day. Carlos Yulo Day is simply a day of commemoration. So, while it is a regular day, there will be activities to honor the pride that Caloy has brought to our country, with the hope of inspiring our citizens to excel in their respective fields,” paliwanag ng konsehal.
Nabatid na isinulat sa wikang Filipino ang inakdang ordinansa upang gunitain ang buwan ng Agosto bilang “Buwan ng Wikang Pambansa.”
Ang naturang ordinansa, na nakatakdang pirmahan ni Mayor Dr. Honey Lacuna-Pangan, ay nakatuon sa pagtunton sa buhay at karera ni Carlos Edriel P. Yulo na liumaki at nagpakahusay sa larangan ng palakasan sa Maynila, nagtapos ng elementarya sa Aurora A. Quezon Elementary School sa Malate, kumatawan ng ilang ulit sa Palarong Pambansa at nagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo sa Adamson University.
Sa ilalim ng Section 3 na naturang ordinansa, nakasaad dito na: Ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila, sa pamamagitan ng mga kaugnay na kagawaran at ahensya, ay magka-koordinasyon para sa pagdiriwang ng “Carlos Yulo Day”. Kasama rito ang pag-oorganisa ng mga kaganapan, pagtitiyak ng partisipasyon ng publiko, at pagpapalaganap ng kahalagahan ng araw. Jay Reyes