MANILA, Philippines- Hindi nababahala ang National Security Council (NSC) ukol sa napaulat na may US Army intelligence analyst ang nagbenta ng sensitibong impormasyon sa Tsina, kabilang ang detalye ng US military exercises at forces sa Pilipinas.
“We are not concerned or worried because the drills are routinary or regular activities and no sensitive information is disclosed,” ayon kay Assistant NSC Director General Jonathan Malaya.
Dahil sa pagiging treaty allies, nagsagawa ang Pilipinas at Estados Unidos ng regular military drills, kabilang ang annual Balikatan (shoulder-to-shoulder) exercises, naglalayon na palakasin ang defense capabilities ng dalawang bansa.
Sa kabilang dako, sa ulat, sinabi ni Col. Francel Margareth Padilla, tagapagsalita para sa Armed Forces of the Philippines, ang militar ay alerto sa pagbabanta sa integridad at katapatan ng mga tauhan nito nang tanungin kung nababahala ba ito na may mga ulat ng sundalong Pilipino na nagpapabayad sa Tsina kapalit ng impormasyon.
Ayon kay Padilla, ang AFP ay may dedicated units na nagsasagawa ng masusing background investigations upang masiguro na ang hanay ay mananatiling committed sa kanilang tungkulin sa seguridad ng bansa.
“While the AFP remains alert to any potential external influences, we have stringent measures in place to detect and prevent any such compromises within our forces,” giit ng opisyal. Kris Jose