MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng National Task Force – West Philippine Sea (NTF-WPS) ang pahayag ng China na humingi ng pahintulot ang Pilipinas para sa March 4 rotation and resupply (RoRe) mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Giit ng task force, hindi kailanman humingi ng pahintulot ang Pilipinas at may buong karapatan ito sa lugar, na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ayon sa 2016 Arbitral Award.
Tinawag ng NTF-WPS na disinformation ang pahayag ng China at mariing tinutulan ang anumang implikasyon na kailangan ang pahintulot ng China.
Samantala, iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na legal ang ginawang maritime patrol ng BRP Apolinario Mabini sa Bajo de Masinloc (BDM).
Pinabulaanan ng AFP ang pahayag ng China na napaalis ang barko ng Pilipinas, at muling kinilala ang BDM bilang bahagi ng teritoryo ng bansa. Nangakong ipagpapatuloy ng AFP ang pagtatanggol sa soberanya at karapatang pandagat ng Pilipinas. Santi Celario