Home OPINION PINAS HINDI HANDA SA M7.7 PATAAS

PINAS HINDI HANDA SA M7.7 PATAAS

NAGBABANTAY ang mga awtoridad sa maaaring pagdating ng 129.4 kilometrong West Valley Fault (WVF) na lilikha ng lindol na Magnitude 7 pataas na mananalasa sa maraming lugar sa Pilinas.

Magmumula ang WVF sa Doña Remedios Trinidad at daraan ang bitak nito sa Norzagaray at San Jose Del Monte sa Bulacan; Rodriguez sa Rizal; Quezon City, Marikina City, Pasig City, Taguig City at Muntinlupa City sa Metro Manila; San Pedro City, Biñan City, Sta. Rosa City, Cabuyao at Calamba sa Laguna; at Carmona, General Mariano Alvarez at Silang sa Cavite.

Paano ang sanga niyan?

Halimbawa, ang Magnitude 7.7 na nagmula sa Rizal, Nueva Ecija at dumiretso sa Baguio City noong Hunyo 1990 ay umepekto sa Kalinga na 381 ang layo sa Baguio City at sa Metro Manila na 183 kilometro ang layo sa Rizal, Nueva Eciha.

Sa Metro Manila, sa totoo lang, may mga bumitak na matataas na gusali pero hindi yata inireport sa mga awtoridad at binombahan lang ng pandikit saka pinalitadaan ang mga bitak.

Kapag gumalaw ang WVF, sa palagay ba ninyo, eh, libre ang lahat ng gusali sa kahabaan ng Manila Bay na nasa 14-20 kilometro lang ang layo mula sa WVF?

MAGNITUDE 7 PATAAS

Sinasabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na ahensya ng Department of Science and Technology (DOST), minimum na Magnitude 7 ang lakas ng lindol na lilikhain ng WVF.

Paano kung aabot sa M7.7 pataas ang lakas ng lindol ng bitak ng lupang ito?

At ang isipin pa, pasok na tayo sa kada 200-400 paggalaw ng West Valley Fault.

Noong 1658 pa naganap ang paggalaw nito o 31 taon makaraang mapatay ni Lapu-Lapu si Ferdinand Magellan karagatang nasa pagitan ng Lapu-Lapu City at Cebu.

Pasok na tayo sa banga ng malakas na lindol.

HINDI TAYO HANDA

Ang masaklap, mga Bro, walang kagatol-gatol ang mga awtoridad sa pagsasabing hindi tayo handa, lalo na laban sa WVF, kung aabot ang yanig nito sa M7.7 gaya ng tumama sa mga bansang Myanmar at Thailand na nagpaguho o nagpatumba sa maraming gusali.

Pero huwag na tayong lumayo dahil naging kapantay ng lindol sa Myanmar-Thailand ang lindol sa Baguio City-Nueva Ecija noong 1990.

Kita naman ninyo kung paano bumagsak ang mga eskwela sa Cabanatuan City at mga naroroon sa Baguio City noon, kasama ang mga hotel at condominium at simbahan at napakaluluwang na mga bitak ng mga kalsada at lupa sa Pangasinan.

Kaya nga, pinagbabawalan ng pamahalaan ang anomang pagtatayo ng bahay at lahat ng istruktura sa mga nakikitang bitak ng WVF mula Bulacan hanggang Laguna at Cavite.

At lahat ng ginagawa ngayon ay retrofitting o pagpapatibay sa lahat ng mga istruktura at siyempre pa, tinutukoy nito ang mga eskwela at iba pang mga gusali, tulay, kalsada at iba pa.

Ang sabi pa, pagdating ng WVF, maaari umanong may 31,000 na mamatay, 14,000 malalang masugatan at 500,000 iba pang masusugatan at may P2.269 trilyong ari-arian masisira.

Hindi nga tayo handa pero dapat maghanda pa rin anoman ang mangyari nang may halong dasal.