Home NATIONWIDE Pinas, inalis na sa ‘list of situations of concern’ para sa 2025

Pinas, inalis na sa ‘list of situations of concern’ para sa 2025

MANILA, Philippines – Opisyal nang tinanggal ang Pilipinas sa list of situations of concern ng United Nations (UN) para sa taong 2025.

Kinumpirma ito sa UN Secretary-General’s 2024 Annual Report on Children and Armed Conflict na inilabas noong Hunyo 20.

“It marked a major milestone in the country’s transition from conflict to peace and its expanding leadership in child protection,” ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Una nang naisama ang Pilipinas sa naturang listahan noong 2003, matapos maitala ang mga kaso ng pagre-recruit at paggamit sa mga kabataan ng mga armadong grupo sa iba’t ibang panig ng bansa.

Bilang tugon, nagsagawa ang bansa ng mga mahalaga at pangmatagalang reporma sa lokal na antas upang itaguyod ang mas ligtas na lipunan para sa bawat batang Pilipino. Pinaigting rin ang pakikipagtulungan ng gobyerno sa UN mula pa noong Nobyembre 2024.

Samantala, nagkaroon ng pagpupulong sina Undersecretary Angelo Tapales ng Council for the Welfare of Children at UN Special Representative of the Secretary-General Virginia Gamba sa New York noong Marso. Dito inilahad ang Philippine roadmap at muling pinagtibay ang pangmatagalang pangako ng bansa sa child protection.

Kabilang sa mga mahahalagang hakbang ang pagbuo ng Inter-Agency Committee on Children Involved in Armed Conflict (IAC-CIAC), pag-aampon ng ika-apat na National Plan of Action for Children, at pagpapatupad ng Executive Order No. 79 na nagtatakda ng institutionalization ng MAKABATA (Mahalin at Kalingain Ating mga Bata) program at Helpline 1383.

Ayon sa ulat, “Ang MAKABATA ay isang komprehensibong one-stop system na layuning tugunan at subaybayan ang mga usapin ukol sa mga batang nangangailangan ng espesyal na proteksyon. Kabilang sa mga pangunahing tungkulin nito ang pagtanggap ng mga ulat, pagrerekomenda ng aksyon sa mga ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor, at pagbibigay ng psychosocial, medikal, at legal na tulong.”

Dagdag pa ng ulat, bahagi rin ng plano ng Pilipinas ang pagpapaunlad ng mga mahahalagang protocol para sa tamang paghawak ng mga kaso ng CIAC (Children Involved in Armed Conflict), pagtiyak ng tuloy-tuloy na suporta mula sa mga implementing agencies, at pagsasabay-sabay ng mga umiiral na mekanismo para sa epektibong monitoring at reporting.

Nakatakda ring magsilbing co-host ang Pilipinas ng isang international event bago matapos ang taon upang ibahagi ang mga aral at best practices, at maiposisyon ang bansa bilang isang global model sa larangan ng child protection sa mga post-conflict settings. Kris Jose