MANILA, Philippines- Muli na namang pinatunayan ng Pilipinas na isa itong world-class travel destination!
Muling pinangalanan ang bansa bilang best diving destination sa TripZilla Excellence Awards 2024, na binoto ng travel enthusiasts.
Sa website ng TripZilla, inilarawan ang Pilipinas bilang “premiere dive destination” dahil sa malawak nitong marine biodiversity, makukulay na coral reefs, at mahigit 7,000 isla.
“Whether exploring vibrant coral gardens teeming with marine life or venturing through shipwrecks and underwater caves, the country offers dive sites suited for all levels,” anito.
Binanggit din ng TripZilla ang malinaw na katubigan ng bansa, abot-kayang dive packages, at maraming world-class dive resorts na nakaaakit sa mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Hindi ito ang unang pagkakataon na kinilala ang Pilipinas dahil sa diving experience nito. Noong Agosto, itinanghal itong “Best Diving Destination” sa Diving Resort Travel Show (DRT) sa Beijing, China.
Pinarangalan din itong Asia’s Leading Dive Destination para sa ika-anim na sunod na taon mula noong 2019 sa World Travel Awards 2024. RNT/SA