IPADADALA umano ng Indonesia ang Pinay, si Mary Jane Veloso, sa Pilipinas sa halip na bunuin nito ang panghabambuhay na pagkakulong roon dahil sa kasong droga.
Noong 2010, nahuli si Veloso na may bitbit na maleta na naglalaman ng 2.6 kilo na cocaine pagbaba nito sa eroplano sa Yogyakarta airport sa Indonesia.
Mabilis ang paglilitis at sa loob lang ng isang taon, hinatulan na siya ng kamatayan ng pinakamataas na korte roon.
Kasunod nito ang sana’y pagbitay sa kanya, kasama ang iba, subalit iniurong ang pagbitay sa kanya sa pakiusap ng pamahalaan ng Pilipinas na patawarin siya o kaya’y ibaba ang parusa sa kanya.
Nagtagumpay naman ang Pilipinas sa pagliligtas sa kanyang buhay, at ngayo’y pinag-uusapan na kung paano siya ibabalik sa Pinas.
Pansamantalang hindi magkokomento ang ating Uzi sa usapin upang hindi malagay sa alanganin ang kampanya para maibalik siyang buhay sa bansa.
PAGBITAY SA SINGAPORE TULOY-TULOY
Simula noong 2022, tuloy-tuloy na ang pagbitay ng Singapore sa mga natatagpuang nagkasala sa pagtutulak ng droga sa kanila.
Nitong dalawang dalawang linggong magkasunod na binitay si Rosman Abdullah, Singaporean, isang Malaysian at isang Singaporean din.
Nagdala si Abdullah ng 57.53 gramo ng heroin sa Singapore mula sa ibang bansa.
Nasa 24 na ang binibitay ng Singapore at karamihan sa mga ito ang sangkot sa droga.
Ayon sa batas ng Singapore, kapag tinimbang ang nahuling droga sa iyo at nasa 500 gramo ang marijuana at 15 gramo ang heroin, bitay kang bata ka.
Sabi ng mga taga-human rights, bawal umano ang bitay dahil ito’y labis umanong kalupitan at dapat na ikulong lang ang nagkasala o kaya’y patawarin at ilagay sa rehab kung adik ang nahuling nagtutulak ng droga.
Katwiran naman ng pamahalaang Singapore, pinakamabisang panlaban sa paglaganap ng droga ang bitay at sinusuportahan ito ng kanilang taumbayan.
Sey niyo, mga Bro?
LIBO-LIBO PATAY SA ‘MERIKA
Sa United States naman, kahit hindi gaanong nambibitay ito sa mga nagkakasala sa mga krimeng may kaugnayan sa droga, libo-libo naman ang namamatay rito taon-taon sa hanay ng mga adik at nao-overdose.
Doon, mga Bro, may 22 estado ang nagpapairal ng bitay.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention ng US, may namatay na 15,469 sa heroin noong 2016 ngunit bumaba ang bilang ng mga ito sa 5,871 noong 2022.
Kaya lang, bumaba nga, nang mauso ang fentanyl na inihahalo sa tinitira nilang heroin, naging 80% naman ang patay o halos 10,000.
Sa cocaine naman, dumami ang patay mula 12,122 noong 2015 sa 57,000 noong 2022, lalo’t may halong fentanyl dito.
Sa shabu naman, may namatay na 5,716 noong 2015 at dumami ang mga ito sa 34,0223 noong 2022 at parami nang pamarami umano ang namamatay rito simula pa noong 2014.
TANONG
Sinong maysabi na dapat protektahan ang human rights ng mga sadyang gumagawa, nagbebenta at nagpapalaganap ng mga drogang nabanggit na nakamamatay?
Paano naman ang mga namamatay, nababaliw, napupurdoy, naaadik at iba pang biktima ng mga gumagawa, nagbebenta at nagpapalaganap ng mga droga?