MANILA, Philippines – May mataas na posibilidad na maging tropical cyclone sa loob ng 24 hanggang 48 oras ang low-pressure area (LPA) na nasa silangan ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon kay PAGASA weather specialist Chenel Dominguez, nananatili pa rin sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang sistema, huling namataan 1,280 kilometro silangan ng Eastern Visayas, ngunit patuloy itong lumalakas.
“Ngayon po ay mataas na ang tiyansa nito na maging ganap na bagyo within the next 24 to 48 hours,” aniya, at papangalanang Wilma kapag pumasok na sa PAR bilang bagyo.
Nasa paunang forecast track ang posibilidad ng landfall sa Eastern Visayas o Caraga, ngunit binigyang-diin ni Dominguez na “mataas pa rin po ang uncertainty natin sa posibleng track po nito.” Pinag-iingat niya ang mga residente sa silangang bahagi ng bansa dahil maaari nang maranasan ang pag-ulan pagsapit ng Biyernes.
Dagdag pa niya, nakaaapekto ang ITCZ sa Southern Mindanao at umiiral ang amihan sa extreme Northern Luzon. Para naman sa nalalabing bahagi ng bansa, posible pa rin ang panandaliang buhos ng ulan dahil sa localized thunderstorms. RNT