MANILA, Philippines- Naghain ang Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China matapos na magsagawa ng “dangerous actions” ang air force ng Beijing sa Scarborough Shoal.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Teresita Daza na ang diplomatic protest ay inihain, araw ng Lunes, subalit hindi ito nagbigay ng anumang detalye.
Sa nakaraang kalatas ng DFA, sinabi ni Daza na ang Pilipinas “remains committed to diplomacy and peaceful means of resolving disputes” at ang bansa ay nagpapatupad ng “de-escalatory approach to tensions in the WPS.”
Sa kabilang dako, inihayag nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na hindi maaaring basta na lamang palampasin ng Pilipinas ang mapanganib na ginawa ng dalawang Chinese aircraft na nagpakawala ng flares sa himpapawid sa direksyon ng Philippine Air Force (PAF) NC-2121 propeller aircraft na nagsasagawa ng air patrol sa himpapawid ng Bajo de Masinloc.
“Naturally hindi natin puwedeng pabayaan ito, kahit na sabihin ng publiko na diplomatic protest na naman, why not. We cannot not do it, kung hindi nag-a-acquiesce tayo,“ ani Teodoro.
Una nang pinalagan ng AFP ang insidente sa pagsasabing ang mapanganib na aksyon ng Chinese aircraft ay maaring ikapahamak ng mga piloto ng PAF.
Sa panig ni Manalo, sinabi nitomh ikinagulat niya ang ginawang karahasan ng People’s Liberation Army Air Force (PLAAF) lalo na at nagkasundo na ang mga opisyal ng Pilipinas at China sa pagpupulong sa Beijing na iwasan ang anumang hakbangin na makakapagpapalala ng tensyon sa WPS.
“Well, I don’t know why they did it, yun ang masasabi ko. They took us by surprise. China has always said it wanted to deescalate but everytime of course may nangyayari na ganito certainly it tends to raise tensions so it’s something that certainly we have to pay close attention,” dismayadong pahayag ni Manalo sa paghahain ng panibagong diplomatic protest.
Sa kabila nito, ayon pa kay Teodoro ay hindi naman nakaaalarma ang insidente bagama’t isa itong isyung dapat tugunan ng pamahalaan.
Samantala, kinondena ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing insidente. Kris Jose