MANILA, Philippines- Hinimok ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang natitirang communist fighters sa bansa nitong Martes na sumuko na upang matutukan na ng pamahalaan ang “mas malaking” hamon– ang pagprotekta sa West Philippine Sea (WPS) mula sa pwersang dayuhan.
Sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na may kabuuang 1,367 communist fighters at mga taga-suporta ang napatay, naaresto, o sumuko na sa mga awtoridad ngayong taon.
“We are enjoining these surrenderees to join us in this effort for us to really go forth and move on to bigger challenges which is the West Philippine Sea issue,” pahayag ni Padilla sa Kapihan sa Bagong Pilipinas sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Mula Jan. 1 hanggang Aug. 8, inihayag ng AFP na 1,169 sa kanila ang sumuko sa pwersa ng gobyerno sa buong bansa habang 101 ang nadakip at 97 ang napaslang.
Nagresulta rin ang mga operasyon ng militar sa pagkakakumpiska ng 751 baril at 237 anti-personnel mines, habang 165 enemy encampments na nasabat.
“No guerilla fronts remain active across the country as of today,” wika ni Padilla, binanggit na mayorya sa mga na-neutralize ang sumuko sa militar.
“Gusto nating ipoint out na with the number of surrenderees, makikita natin na mayroon po tayong zeal towards the whole Filipino nation na iisa po ang puso at damdamin natin kapag ang usapin is tungkol sa West Philippine Sea,” anang opisyal.
“Maging anuman ang background mo, anuman ang iyong paniniwala, iisa tayo kapag sinabi nating West Philippine Sea, atin ang yaman nito,” dagdag niya.
Subalit, may pito pang “weakened” communist guerilla fronts na tinutugis ng AFP sa enemy hotspots. Bumaba ito mula sa 11 weakened guerilla fronts sa pagsisimula ng taon.
Bukod dito, 176 local terrorists ang na-neutralize ng government forces: 124 ang sumuko, anim ang naaresto, habang 46 ang nakitil.
Inaangkin ng China ang halos kabuuan ng South China Sea, kabilang ang ilang features na matatagpuan sa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Ito ay sa kabila ng 2016 arbitral ruling na bumabasura sa pag-angkin ng China sa tinatawag nitong nine dash-line (ngayon ay 10-dash line) bilang pagpabor sa protesta ng Pilipinas. Subalit, patuloy ang pagbalewala ng China sa desisyon. RNT/SA