Home NATIONWIDE Security measures para sa homecoming, parade ng PH Olympians inilatag ng PNP

Security measures para sa homecoming, parade ng PH Olympians inilatag ng PNP

MANILA, Philippines- Inilatag ng Philippine National Police (PNP) ang security measures para sa pag-uwi ng team ng bansa mula sa katatapos lamang na Paris Olympics.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na inatasan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa pagbabalik ng Philippine Olympic team.

“We are now preparing to give them a heroes’ welcome. So on the part of the PNP, we will make sure to provide an appropriate number of personnel to provide security during the homecoming of our Filipino athletes,” pahayag ni Fajardo.

Patungo na ang team sa Manila. Inaasahang darating sila sa bansa ng Martes ng gabi.

Pagdating sa Pilipinas, sasalubungin ang Filipino Olympians ng kanilang mga pamilya sa Maharlika Airbase bago magtungo sa Malacañang kung saan sila sasalubungin nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay First Lady Liza Aranata-Marcos.

Nauna nang inanunsyo ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes ang 7.7-kilometer motorcade ng Olympic team na daraan sa mga lungsod ng Manila at Pasay sa Miyerkules ng hapon.

Magsisimula ang parada sa labas ng Aliw Theater sa Pasay at tatahakin ang Roxas Boulevard, Padre Burgos Avenue, Finance Road, Taft at Quirino Avenues, at Adriatico Street bago ito matapos sa Rizal Memorial Sports Complex.

Matatandaang nasungkit ni gymnastics sensation Carlos Edriel Yulo ang dalawang gold medals.

Nakamit naman nina Aira Villegas ay Nesthy Petecio ang bronze medals para sa Pilipinas.

Kapwa pumasok sa ika-apat sina pole vaulter EJ Obiena at golfer Bianca Pagdanganan.

Sa ika-37 pwesto, ang Pilipinas ang top-performing Southeast Asian team sa Summer Olympics para sa ikalawang magkasunod na season. RNT/SA