MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Navy (PN) nitong Martes na tatlong pangunahing sasakyang pandagat mula sa Philippine Fleet (PF) ang nakibahagi sa kauna-unahang sabay-sabay na unilateral at gunnery exercises na ginanap sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) sa West Philippine Sea (WPS) noong Lunes.
Nabatid sa isang press briefing sa Camp Aguinaldo, Quezon City, sinabi ni PN spokesperson Captain John Percie Alcos na ang 1st PF Unilateral Exercises 2025 ay nagpakita ng pambihirang pagpapakita ng koordinasyon, precision, at strategic agility.
Aniya, ang missile frigate ng Navy na BRP Jose Rizal (FF-150), offshore patrol vessel na BRP Ramon Alcaraz (PS-16) at landing dock BRP Tarlac (LD-601), ay nagsagawa ng serye ng maneuvering at radio communication drills.
“(Ang) FF-150 at PS-16 ay nagsagawa ng mga live fire drills sa timog-silangan ng Bajo de Masinloc, sa tubig ng WPS na nagpapatuloy nang walang sagabal sa kabila ng magulong karagatan, na nagpapakita ng hindi natitinag na pangako ng Fleet sa pagpapanatili ng pinakamataas na antas ng kahandaan sa anumang kapaligiran,” sabi ni Alcos.
“Ang mga pagsasanay na ito ay hindi lamang nagpatalas sa mga kasanayan at pagiging epektibo ng mga kalahok na asset ng hukbong-dagat sa pakikipaglaban sa digmaan at humanitarian na tulong at pagtugon sa kalamidad ngunit pinalakas din ang pangkalahatang pagganap ng operasyon ng armada,” dagdag niya.
Kaugnay nito sinabi rin ni Alcos sa media sa isang panayam na ang BRP Jose Rizal ay nagpaputok ng Oto Melara Super Rapid 76mm na pangunahing baril habang ang BRP Ramon Alcaraz ay gumamit ng .50 kalibre nitong pangalawang armas sa live-fire exercise na nag-simulate ng “surface target, specifically surface vessels.”
“And I am very glad to report that both the PS-16 and FF-150, despite the very harsh conditions yesterday (Monday), were able to hit the target,” dagdag pa nito.
Samantala tumanggi si Alcos na ibigay ang eksaktong distansya ng dalawang barko mula sa Bajo de Masinloc nang magsagawa sila ng kanilang firing exercise para sa seguridad. (santi celario)