MANILA, Philippines – Nanatili ang Pilipinas sa ilalim ng monsoon break, kung saan walang direktang epekto ang southwest monsoon o habagat, ayon sa PAGASA.
Bagama’t inaasahan ang pangkalahatang maaliwalas na panahon, nagbabala si PAGASA weather specialist Chenel Dominguez na maaari pa ring magkaroon ng thunderstorms sa hapon o gabi na posibleng magdulot ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa sa mga delikadong lugar.
“Nasa panahon pa rin tayo ng tag-ulan pero ‘yung nararanasan natin ngayon ay ‘yung tinatawag nating monsoon break kung saan walang direktang epekto ang southwest monsoon o habagat sa anumang parte ng ating bansa,” ani Dominguez.
Sinabi rin niya na ang easterlies o mainit at mahalumigmig na hanging mula sa Karagatang Pasipiko ang patuloy na nakaaapekto sa silangang bahagi ng Visayas at Mindanao.
“Patuloy pa rin ang pag-iral ng easterlies o ‘yung mainit at maalinsangan na hangin na nanggagaling sa dagat Pasipiko at nakakaapekto sa eastern sections ng Visayas at Mindanao,” dagdag niya.
Ayon pa sa PAGASA, wala pang namomonitor na low-pressure area o bagyo sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) hanggang Lunes ng umaga. RNT/MND