Home HOME BANNER STORY Pinas wala pa ring planong muling umanib sa ICC – Malakanyang

Pinas wala pa ring planong muling umanib sa ICC – Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines — Naninindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa napapanahon ang muling pagsali ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), ayon sa Malacañang nitong Miyerkules.

“Hindi pa po napapanahon ang pag-rejoin sa ICC sa ngayon,” pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro.

Ginawa ni Castro ang pahayag matapos himukin ni US President Donald Trump ang mga bansang miyembro ng ICC na kumalas sa tribunal sa kanyang talumpati sa 81st United Nations General Assembly noong Martes. Tinawag ni Trump ang ICC na isang “rogue institution” at hiniling sa mga kasaping bansa na umatras dito.

Sinabi ng Malacañang na iginagalang nito ang panawagan ni Trump ngunit walang pagbabago sa posisyon ni Marcos hinggil sa posibilidad na bumalik ang Pilipinas sa ICC.

Naniniwala rin si Castro na walang magiging epekto ang panawagan ni Trump sa nagpapatuloy na kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.

Nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30, 2026 ang paglilitis kay Duterte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa mga umano’y pagpatay sa ilalim ng kanyang kampanya kontra ilegal na droga.

Umalis ang Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 17, 2019 matapos ihain ang notice of withdrawal isang taon bago nito. Gayunman, pinaninindigan ng ICC na saklaw pa rin ng hurisdiksyon nito ang mga umano’y krimeng naganap habang miyembro pa ang bansa mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here