MANILA, Philippines – Isang vacuum sealed tea bags ang pinagkaguluhan ng mga kabataan makaraang mapagkamalang tsokolate matapos nadiskubre sa isang abandonadong apartment sa Silang, Cavite.
Sa ulat, bandang alas-8:30 kamakalawa ng gabi nang nakatanggap ng pulisya ng tawag sa Kapitan ng Barangay na si Jeolito Generoso ng Brgy Adlas, Silang, Cavite kaugnay sa pinagkakaguluhan ng mga kabataan na mga tea bag na inakalang mga tsokolate at kendi na nakalagay sa isang kulay violet na vacuum sealed at may mga Chinese characters sa isang abandonadong apartment sa nasabing lugar.
Nang respondehan ng pulisya, bumulaga sa kanila na naglalaman ito ng plastic sachet ng hinihinalang marijuana na tumitimbang ng 7.43 grams at walong pirasong vacuum sealed tea bag na tumitimbang ng 71.92 gramo.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung kanino at sino ang may-ari ng nasabing marijuana. MARGIE BAUTISTA