MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang isang 29-anyos na Pinay makaraang tangkain nitong magpuslit ng higit P29 milyong halaga ng cocaine sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.
Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang suspek ay naaresto sa international arrival area ng Terminal 3 dakong alas-8 ng gabi nitong Huwebes.
Batay sa inisyal na ulat, nakumpiska sa nasabing suspek ang nasa 4.57 ilo ng cocaine, na may karaniwang halaga ng droga na P24.2 milyon na natagpuang nakatago sa dalawang bag, kasama ang mga mobile phone, travel documents, at identification card.
Nangyari ang operasyon sa customs exclusion room sa NAIA Terminal 3, kung saan napansin ng isang Customs X-ray inspector sa pag-scan na naglalaman ng kahina-hinalang substance ang bagahe ng suspek.
Agad na isinagawa ang K9 inspeksyon kung saan nagpahiwatig ito ng pagkakaroon ng narcotics sa loob ng bagahe, na nag-udyok sa mga awtoridad na buksan ito. Ang powdery substance na kanilang natuklasan ay kalaunan ay nakumpirma bilang cocaine.
Batay sa kanyang flight details, dumating ang suspek sa pamamagitan ng Ethiopian Airlines mula Sierra Leone sa West Africa na may connecting flight sa Addis Ababa, Ethiopia patungong Maynila.
Ang mga nasabat na droga ay dinala sa PDEA para sa dokumentasyon at disposition procedures.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act). JR Reyes