Home NATIONWIDE Pinay na katekista posibleng maging Santo

Pinay na katekista posibleng maging Santo

MANILA, Philippines – Binigyan na ng go signal ng Vatican ang mga hakbang para sa pagiging santo ng isang Filipina lay catechist.

Inanunsyo ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara nitong Miyerkules na ipinagkaloob ng Dicastery of the Causes of Saints ang “nihil obstat” — na ang ibig sabihin ay “nothing stands in the way” — para sa layunin ng beatification at canonization ni Laureana Franco, na kilala bilang “Ka Luring. “

Ang desisyon ng dicastery ay ipinahayag kay Vergara ni Arsobispo Charles John Brown, apostolic nuncio sa Pilipinas.

Iniwan ni Ka Luring ang kanyang trabaho sa Philippine Air Force upang maging catechist. Naglingkod siya sa ibat-ibang pampublikong paaralan.

Tubong Hagonoy Taguig, siya ang unang babaeng lay minister sa Archdiocese of Manila. Ang Taguig ay bahagi ng archdiocese bago ito napabilang sa Diocese of Pasig, na itinayo noong 2003.

Sa isang maikling dokumentaryo mula sa Diyosesis ng Pasig ipinahayag na tinangka ni Ka Luring na maging madre ngunit hindi natuloy dahil sa pagkakasakit.

Noong 1990, siya ay ginawaran ng Pro Ecclesia et Pontifice, ang pinakamataas na pagkilala ng Papa na ibinigay sa isang layko.

Namatay siya noong 2011 sa cancer.

“May I ask for your unceasing prayers as we do the next steps required by the dicastery,” sabi ni Vergara.

Ang buong proseso bago makilala ang isang tao bilang isang santo ay tumatagal ng mga taon.

Pagkatapos ng diocesan phase, ang mga dokumento ay isusumite sa Dicastery for the Causes of Saints para sa mahigpit na pagsusuri, na kinabibilangan ng mga teologo, obispo, at kardinal.

Kung ang dahilan ay itinuring na wasto, ihaharap sa papa ang dicastery , na maaaring magbigay ng kanyang pag-apruba para sa pagpapalabas ng isang decree na nagdedeklara sa indibidwal bilang “kagalang-galang.”

Para sa proseso ng beatification, ang yugto bago ang isang tao ay idineklara na isang santo, isang himala na nauugnay sa indibidwal ay kinakailangan.

Kung ang tao ay naging martir o namatay dahil sa pananampalatayang Katoliko, hindi na kailangan ng milagro. Ito ang kaso ng Filipino na si San Pedro Calungsod, isang batang misyonerong katekista na inuusig at pinatay sa gitna ng gawaing misyonero.

Para sa canonization, ang pinal na hakbang para sa isang indibidwal bilang isang Santo, kailangan ng isa pang himala.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)