MANILA, Philippines- Patay ang isang Filipina matapos mabangga ng isang ninakaw na SUV sa San Fernando Valley, Los Angeles, California nitong weekend.
Tumatakas sa mga pulis ang suspek na isang 40-anyos na nagmamaneho ng ninakaw na Mercedes SUV, nang bumangga ito sa puting Tesla na minamaneho ng biktima, kinilala ng Los Angeles Medical Examiner na isang 46-anyos na nagngangalang Christina David.
Sa tindi ng pagkakabangga, natanggal ang bubong ng Tesla. Nagresulta rin ito sa pagsalpok ng kotse ng biktima sa dalawa pang sasakyan, na nag-iwang sugatan sa mga driver at mga pasahero.
Idineklarang patay si David sa pinangyarihan ng insidente dahil sa blunt trauma, base sa ulat ng medical examiner.
Nadakip naman ng mga awtoridad ang hinahabol na suspek, hindi pinangalanan, at nagtamo ng minor injuries.
Mahaharap siya sa kasong vehicular homicide.
Naiwan ng biktimang Pinay na isang commercial mortgage professional ang kanyang asawa at dalawang anak. RNT/SA