Home HOME BANNER STORY Pinay sugatan sa stabbing spree sa New York; 3 pang biktima, mga...

Pinay sugatan sa stabbing spree sa New York; 3 pang biktima, mga Asian

NEW YORK CITY — Kinumpirma sa isang ulat na kasama ang isang Pinay sa apat na indibidwal na sugatan matapos na manaksak ang isang lalaki na may diumano’y problema sa isip ay nitong weekend.

Kinilala ang Pinay na si Bel Molina, 46 taong gulang, mula sa Leyte.

Kasalukuyang nagpapagaling si Molina matapos magtamo ng saksak na nangangailangan ng tatlong tahi para magamot.

Nagjo-jogging umano pauwi ang Pinay mula sa subway station sa 54th Street nang makasalubong niya ang suspek na naka-wheelchair.

Sa una ay inakala ng biktima na normal lang ang sitwasyon kaya patuloy ang kanyang pagtakbo patungo sa direksyon ng suspek, hanggang sa malapit na siya ay napansin niyang may hawak itong kutsilyo.

Sa kabila ng pagtatangkang tumakas, nasugatan pa rin siya sa braso malapit sa siko.

Bukod kay Molina, tatlo pa ang nabiktima ng pananaksak ng suspek. Isang 69-anyos na babae ang nagtamo ng saksak sa mukha at katawan, habang isang 57-anyos na lalaki naman ang nagtamo ng saksak sa likod.

Kinilala naman ang suspek na  si Kareem Philips, 38 taong gulang, ay agad na inaresto at kasalukuyang nasa kustodiya ng New York Police Department.

Si Philips ay nahaharap sa mga kaso ng dalawang bilang ng tangkang pagpatay, apat na bilang ng pag-atake, at pagkakaroon ng kriminal na armas.

Hindi pa malinaw kung insidente ng hate crime ang nangyari dahil ang lahat ng biktima ay pawang Asian. RNT

Previous articleHuman rights violations sa Pinas bumaba ng kalahati sa 2023 
Next articleMaritime Zones Bill, Lusot sa Bicam Review