
HINDI kaya mas maraming Pinoy ang palalayasin ng pamahalaan ni United States President Donald Trump dahil sa mga nagaganap sa programang deportasyon nito?
Noong una, nasa 350,000 ang posibleng mapalayas mula sa nasa 4.6 milyong Pinoy sa US.
Ngunit ngayong nagkakagulo na laban sa deportasyon at maraming Pinoy na hindi naman mahahagip ng deportasyon ay nakikilahok na sa mga protesta, hindi nga kaya posibleng mahigit sa 350,000 ang mapalalayas?
INSURRECTION ACT OF 1807
May banta ngayon ang pamahalaang Trump na gagamitin nito ang batas laban sa insureksyon kung magpatuloy ang kaguluhan gaya ng nagaganap sa Los Angeles, California.
Para maliwanag, malakihan ang mga protesta laban sa deportasyon ng mga iligal at may mga krimeng dayuhan na isinasagawa ng Immigration and Customs Enforcement at tumutulong dito ang mga pulis, taga-Homeland Security Department at militar.
May mga raliyesta nanununog ng sasakyan, may humaharang sa mga ahente ng ICE sa pag-raid sa mga ide-deport, may mga nananakit at nambabato sa mga awtoridad, lumalaban mismo sa gobyernong Trump at iba pa.
Para mapabilis ang deportasyon, isinasagawa na ang pagdakip at pag-deport ng ICE ng 3,000 dayuhan araw-araw.
Tinutulan ito ng mga apektado at maraming indiduwal at grupo ang sumasali para protektahan ang mga dinarakip at ide-deport.
Kasama na ring umaangal si California Governor Gavin Newsom at balak nitong idemanda si Trump sa paggamit nito ng National Guard at US Marines.
Katwiran ni Newsom, iligal ang paggamit ng mga National Guard at sundalo gaya ng US Marines lalo’t walang kahilingan ng katulad niya para magkaroon ng “peace and order” sa kanyang estado.
Kapag umabot na ang lahat sa paghamon o pakikibaka nang madugo gaya ng rebelyon laban sa awtoridad at pambansang pamahalaan o estado ng US, sinasabi ni Trump na maaari na nitong gamitin ang Insurrection Act of 1807.
Sa ganitong kalagayan, hindi na lang ang mga iligal at may krimeng dayuhan ang dadakpin at ikukulong kundi maging ang mga pumoprotekta sa kanila, kasama na ang katulad ni Newsom.
Dito na natin masasabi na ang mga Pinoy na hindi naman sakop ng pag-aresto at pad-deport ngunit sumasali sa rally at pumoprotekta sa mga inaaresto at dine-deport ay masasama na rin sa mga palalayasin nina Trump.
Kaya hihigit sa 350,000 Pinoy ang mapalalayas.
HINDI LANG TULONG SA DEPORTEES
Kapag nangyari ang lahat sa itaas, hindi lang dapat proteksyunan ng pamahalaan ang mga dinarakip at dinede-deport kundi maging ang mga madadakip at mabibilanggo rin gaya ng mga may dual citizenship o Filam at iba pa.
Ibig sabihin nito, darami nang todo ang mga dapat na ayudahan at proteksyunan ng pamahalaang Marcos at nangangailangan ito ng mahabang panahon at malaking pondo, tao, materyales at iba pa.
Klaro ring dapat na saluhin at ayudahan ng pamahalaan ang mga aktuwal nang pinalalayas at pamilya nilang walang-wala sa Pilipinas.
Kamusta na ang paghahanda at pagkilos ng pamahalaang Marcos para sa mga apektado ng programang deportasyon ni Trump?