MANILA, Philippines – Pumanaw ang 45-anyos na Pilipinong mountaineer na si Philipp “PJ” Santiago II noong Mayo 14 sa Camp 4 ng Mt. Everest habang naghahanda para sa huling akyat patungong tuktok.
Siya ang unang dayuhang namatay sa climbing season ng Nepal ngayong 2025.
Inilarawan ni Santiago ang kanyang pag-akyat bilang “climb of a lifetime,” at layunin niyang maging ika-anim na Pilipino na makarating sa tuktok, habang isinusulong ang adbokasiya para sa malinis na tubig at laban sa kanser sa mga bata.
Kahit nakaligtas sa avalanche isang linggo bago ang insidente, ipinagpatuloy niya ang pag-akyat.
Hindi pa tiyak ang sanhi ng kanyang pagkamatay, at kasalukuyang inaakyat pa ang kanyang labi. RNT