MANILA, Philippines – Hinimok ng Philippine Embassy sa Estados Unidos ang mga Pilipinong nasa ilegal na kalagayan sa bansa na makipag-ugnayan sa kanila kasunod ng hakbang ng administrasyon ni Pangulong Donald Trump na paigtingin ang panghuhuli ng mga iligal na imigrante.
Ayon kay Philippine Ambassador to the U.S. Jose Manuel Romualdez, tinatayang 350,000 na Pilipino ang ilegal na naninirahan sa Amerika.
Binigyang-diin ni Romualdez ang mga alalahanin sa mga Pilipinong matagal nang naninirahan sa U.S., may mga pamilya na, at nagtatag na ng kanilang buhay.
Sinabi niyang may mga legal na paraan pa rin na pwedeng sundan at may mga grupo sa komunidad ng mga Filipino-American na handang magbigay ng tamang gabay.
Pinagtibay ni Pangulong Trump sa kanyang ikalawang termino ang pagtuon sa pagbawas ng bilang ng mga migranteng pumapasok sa U.S. at nagpatuloy sa kanyang pangako na magpalikas ng “milyon-milyong krimenal na dayuhan.” Ayon kay Romualdez, maaaring mapatalsik ang mga Pilipinong may kasaysayan ng krimen o hindi pa rin nagsikap na gawing legal ang kanilang status.
Ayon kay Romualdez, ang mga Pilipinong bagong dating o mga overstaying na dumaan bilang mga turista ay mahihirapan dahil kinukonti na ang mga pagkakataon para magkaroon ng legal na status.
Pinaalalahanan ni Romualdez na ang mga executive order ni Trump ay maaaring harapin ng mga legal na hamon, lalo na ang ukol sa pag-aalis ng awtomatikong pagbibigay ng citizenship sa mga ipinanganak sa U.S., isang karapatan sa ilalim ng ika-14 na Amendmnet ng U.S. Constitution. RNT