KINALIMUTAN ng mga Pinoy, Chinese at Tsinoy ang anomang hidwaan ng China at Pinas kamakalawa nang idaos sa Binondo, Manila ang fireworks display para sa Chinese New Year.
Siksikan ang libo-libo katao sa Pasig River Esplanade at Binondo-Intramuros Bridge na donasyon ng China sa Pinas noong panahon ni ex-President Digong Duterte para panoorin ang kahanga-hangang fireworks display na tanda ng pagkakaisa ng mga Pinoy at Tsino bago pa dumating ang mga Kastila rito.
Napakagandang tanawin ang nasabing pagbubuklod-buklod at pagkakaisa nang walang nagtatanong kung magkaaway o hindi ang mga Pinoy at Tsino.
Pagkatapos nito, naririyan muli ang hidwaan at maging ang hidwaan mismo ng mga Pinoy kung paano pakitunguhan ang Tsina dahil sa problema sa Exclusive Economic Zone, West Philippine Sea at Kalayaan Islands Group.
Sa iringan ng mga Pinoy, nakakasa na ang debate sa pagitan nina Senador Rodante Marcoleta at dating Associate Justice Antonio Carpio sa nasabing EEC, WSP at KIG.
Pag-uusapan kung sino ang may mali sa pagtatag ng mga ito ngunit dapat magbunga ito ng mga karapatang nararapat sa Pinas at China at ng magandang turingan, pagkakaibigan at tulungan ng dalawang bansa.
Sa nasabing mga usapin, iginigiit ni Marcoleta, at ilang kakampi nito, na dapat may malinaw na titulo ang Pinas sa mga karapatan at hangganan ng mga pag-aari nito sa mga lugar at mga karapatang pupwedeng pagsaluhan ng Pinas at China…na hindi kailangan sa parte naman ni Carpio at ilan ding kakampi nito.
Para sa atin, dapat patungo lahat sa pagbabawas ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa upang makatulong sa pag-unlad ng Pinas na hinaharang ng mga sigalot sa pagitan ng dalawa at matitinding korapsyon.
Dapat magbunga ang debate para sa kapakanan ng dalawang bansa at mamamayan ng mga ito at hindi padadala sa mga sulsol ng mga dayuhan na malinaw na nagpasimula at gumagatong ng sigalot hindi para sa Pinas kundi para sa pansarili nilang interes.






