MANILA, Philippines – Isang Filipino seafarer ang naiulat na nawawala matapos bumangga ang MV Solong sa oil tanker na Stena Immaculate sa karagatan ng Humber Estuary, Hull noong Marso 10, 2025.
Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na huling nakita ang seafarer sa unahan ng barko, kung saan nagkaroon ng sunog at pagsabog kasunod ng banggaan.
Walong Filipino at limang Russian crew members ang ligtas na na-rescue at kasalukuyang nananatili sa isang hotel sa Grimsby, London habang hinihintay ang kanilang repatriation.
Samantala, naaresto ang Russian captain ng MV Solong, at patuloy ang imbestigasyon ng UK authorities sa insidente.
Tiniyak ng DMW ang patuloy na koordinasyon sa manning agency at pamilya ng nawawalang seafarer para sa pagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)