MANILA, Philippines- Binigyan ng hero’s welcome ng Department of Migrant Workers (DMW) ang Filipino ship captain na si Roybel Tabobo sa kanyang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 noong Miyerkules.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa isang news release na pinuri si Tabobo para sa agaran niyang pagtugon sa pagsagip sa mga tripulante ng container ship na MSC ELSA 3, na lumubog sa karagatan ng Kochi, Kerala India noong May 25.
“We salute Captain Tabobo’s heroism (which) embodies the Filipino spirit of our seafarers —selfless, decisive, and always ready to help one another in times of crisis,” sabi ni Cacdac
Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na parangalan ang katapangan at sakripisyo ng mga Pilipinong marino, binati ng mga opisyal ng DMW si Tabobo ng mga banner, bulaklak, at palakpakan sa kanyang pagdating.
Sinabi ni Cacdac na ang M/V Han Yi, sa ilalim ng utos ni Tabobo, ay kabilang sa mga unang barkong tumugon sa distress call mula sa MSC ELSA 3.
Sinabi ng DMW na ang gawang ito ng katapangan ay higit na nagbibigay-diin sa pandaigdigang reputasyon ng mga Pilipinong marino bilang mga dalubhasa, maaasahan, at mahabagin na mga propesyonal na nagtataguyod ng pinakamataas na maritime standards sa buong mundo.
Matagumpay na nasagip ni Tabobo at kanyang crew ang siyam na Filipino seafarers habang nasagip ng Indian Coast Guard ang natitirang 11 Filipino crew members — nagdala sa kabuuang 20 survivors.
Samantala, ibinahagi ni Cacdac na buong pagmamalaking inihayag ni Tabobo ang mga planong magpakasal ngayong Hunyo, kaya ang kanyang pagbabalik ay parehong sandali ng pambansang pagmamalaki at isang personal na pagdiriwang.
“This is truly a double celebration for Captain Tabobo —coming home as a hero and starting a new chapter in life. We will be inviting him to the DMW office in the coming days to formally recognize and honor his outstanding service,” sabi ni Cacdac. Jocelyn Tabangcura-Domenden