Home NATIONWIDE Pinoy STEM winners pinuri ni PBBM

Pinoy STEM winners pinuri ni PBBM

MANILA, Philippines- Nakiisa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Linggo, sa pagdiriwang ng mga naging tagumpay ng mga estudyanteng Pilipino na ipinakita ang husay sa larangan ng Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM).

Nangako rin ang Pangulo na patuloy na mamumuhunan at susuportahan ng kanyang administrasyon ang innovation at technology.

Sa kanyang weekly vlog na ipinost sa social media, ipinagmalaki ni Pangulong Marcos ang mga estudyanteng Pilipino na nakakuha ng parangal mula sa international STEM competitions.

Binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng STEM education sa “modern technological landscape.”

Tinukoy ang aplikasyon nito sa halos bawat aspeto ng buhay ng tao.

“Mahalaga ‘yan dahil ang STEM subjects ang pinagbabasehan ngayon ng lahat bagong teknolohiya. Alam naman natin na ang lahat ng buhay natin ay dumarami ang involvement ng bagong teknolohiya,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Para magamit natin ‘yung mga bagong teknolohiya na ‘yan kailangan ay sanay na sanay tayo, nakaka-unawa tayo sa scientific studies at saka Mathematics para tayo ay makikilahok sa bagong ekonomiya ng mundo,” dagdag niya.

Nangako si Marcos na ipagpapatuloy ng gobyerno ang STEM education para palakasin ang susunod na henerasyon ng mga innovator, tiyakin na ang Pilipinas ay mananatiling competitive sa isang mabilis na umuunlad na technological landscape.

“Sa isang Bagong Pilipinas, patuloy ang pagpapatatag ng pundasyon para sa siyensiya at teknolohiya. Patuloy ang inobasyon dahil kaalaman ang ating sandata tungo sa isang maunlad at makabagong Pilipinas,” giit niya. Kris Jose