MANILA, Philippines — Tumaas sa 23.2% ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakaranas ng involuntary hunger sa unang quarter ng 2026, batay sa pinakahuling Social Weather Survey na isinagawa mula Marso 24 hanggang 31, 2026.
Tumutukoy ito sa mga pamilyang nakaranas ng gutom at walang makain kahit isang beses sa nakalipas na tatlong buwan. Mas mataas ito kumpara sa 20.1% noong Nobyembre 2025, o katumbas ng pagtaas na 3.1 puntos.
Ito rin ang pinakamataas na naitala mula sa 27.2% noong Marso 2025, at mas mataas sa average na 20.2% noong 2025 at 21.1% noong 2020 sa panahon ng pandemya.
Ayon sa survey, pinakamataas ang hunger incidence sa Visayas na may 28.0%, sinundan ng Balance Luzon na may 22.4%, Metro Manila na may 22.0%, at Mindanao na may 21.7%. Binanggit ng Social Weather Stations (SWS) na ang pagtaas ay dulot ng pagtaas ng gutom sa lahat ng rehiyon maliban sa Mindanao, kung saan bumaba ang bilang.
Kung ikukumpara sa Nobyembre 2025, tumaas ang hunger sa Visayas ng 7.7 puntos, sa Balance Luzon ng 5.7 puntos, at sa Metro Manila ng 1.7 puntos, habang bumaba naman sa Mindanao ng 5.0 puntos.
Ipinaliwanag ng SWS na ang 23.2% ay binubuo ng 17.7% na nakaranas ng moderate hunger at 5.5% na nakaranas ng severe hunger. Ang moderate hunger ay yaong nakaranas ng gutom “once” o “a few times” lamang, habang ang severe hunger ay “often” o “always” sa nakalipas na tatlong buwan.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,500 adult respondents sa buong bansa, na may margin of error na ±3% para sa national figures. Santi Celario